MAYOR BAYRON, PINANGUNAHAN ANG SUBARAW BIODIVERSITY FESTIVAL GRAND OPENING

“Ang ating pangarap ay hindi ito titigil sa national event, kundi maging international event,” pahayag ni Mayor Lucilo R. Bayron.

Ito ang binigyang-diin ng alkalde sa Grand Opening Ceremony ng Subaraw Biodiversity Festival 2026 sa Edward S. Hagedorn Coliseum nitong Sabado, Nobyembre 7.

Ayon kay Mayor Bayron, mahalaga ang pagdating ng mga turista mula sa ibang bansa upang manood at makiisa sa pagdiriwang, tulad ng kanilang pagdayo sa iba pang malalaking festival sa Pilipinas.

“Ang mahalaga, darating sila dito tulad ng sa Sinulog, manonood, makikiisa, at masasabi nating international event itong ating Subaraw Biodiversity Festival,” ani Mayor Bayron.

Bago nagsimula ang programa, naging makulay ang parada ng mga drum and lyre group mula Robinsons Mall Palawan patungong Edward S. Hagedorn Coliseum.

Bahagi rin ng programa ang sashing ceremony ng 30 kandidata ng Subaraw Festival Queens 2026. Ayon kay Mayor Bayron, walo sa kanila ay mula sa Puerto Princesa at Palawan, habang ang 22 ay mula sa iba pang bahagi ng bansa.

Pinangunahan din ni Mayor Bayron ang Banging of Subaraw Gong bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng pagdiriwang sa sentro ng lungsod.

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng mga aktibidad, inanunsiyo rin ng alkalde na sa Puerto Princesa gaganapin ang national drum and lyre competition sa 2027. Ibinahagi niyang mga opisyal ng Philippine Drum and Lyre Association ang mga hurado sa kompetisyon ngayong taon.

“Maraming darating na mga drum and lyre teams dito mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas at makikipagtagisan sa mga winners natin dito sa lungsod at sa lalawigan ng Palawan,” ani Mayor Bayron.

Kabilang sa mga aktibidad noong Nobyembre 7 ang elementary level drum and lyre competition sa Coliseum at ang hip-hop elimination round. Isinagawa rin ang final show ng Philippine Designers competition sa Robinsons Mall.

Kasama rin sa pagdiriwang ang national go-kart racing competition sa go-kart tracks ng lungsod, na ayon sa alkalde ay nilahukan ng 54 racers mula sa sampung racing teams.

Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, ipinahayag ni Mayor Bayron ang hangaring maging matagumpay at makabuluhan ang pagdiriwang ngayong taon.

“Nawa ay magkaroon tayo ng isang successful, makabuluhan at saka magandang pagdiriwang ng Subaraw Biodiversity Festival 2026,” pagtatapos ni Mayor Bayron.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts