3-STOREY BUILDING NA MAY 9 NA SILID-ARALAN, MALAKING PAKINABANG ANG HATID SA MGA GURO AT MAG-AARAL NG MANUEL AUSTRIA MEMORIAL ELEMENTARY SCHOOL

Sa layunin ni Mayor Lucilo R. Bayron na higit pang mapabuti ang learning environment at madagdagan ang kapasidad ng mga pampublikong paaralan para sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral, isang 3-storey building na may siyam na silid-aralan ang itinayo ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa sa Manuel Austria Memorial Elementary School, Barangay San Manuel.

“Kasiyahan namin na magkaroon ng ganitong project. Tinitingnan namin ito na investment sa future ng lungsod ng Puerto Princesa dahil may kinalaman sa education,” bahagi ng mensahe ni Mayor Bayron sa isinagawang inagurasyon ng naturang gusali nitong Setyembre 10, 2026.

Lubos namang ikinatuwa ng mga guro at mag-aaral ang proyektong ito na nagbibigay ng mas maayos, ligtas at angkop na espasyo sa pagkatuto.

“Masaya kaming nakikitang masaya rin kayo,” ani Mayor Bayron.

Ipinagmamalaki ring ibinalita ng alkalde na typhoon-resilient ang bagong gawang 3-palapag na gusali na idinisenyo ng Office of the City Architect. Gumamit sa proyekto ng steel-concrete construction at mga materyales na angkop sa tropikal na klima ng Puerto Princesa.

“Typhoon-resilient ang building ito […] Kung sakaling magkaroon ng bagyo at walang matakbuhan ang mga taga-San Manuel, pupwede nating tanggapin dito kasi ito hindi basta-basta masisira ng bagyo,” paliwanag ng punong lungsod.

Ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng P38,509,508.91 at pinondohan sa ilalim ng Special Education Fund (SEF) 2024. Mayroon itong tatlong silid-aralan sa bawat palapag. Bahagi rin ng proyekto and hiwalay na palikuran para sa mga babae at lalaki sa bawat palapag. May toilet rin para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) sa ground floor upang masiguro ang inclusivity at accessibility.

Kabilang din sa disenyo ang mga pasilidad na makatutulong sa araw-araw na operasyon ng paaralan tulad ng (1) Elevated Water Tank, (2) Cistern, at (3) Rainwater Collection System. Sa pamamagitan ng mga ito masisiguro ang suplay ng tubig at mapapakinabangan din ang tubig-ulan para sa mas sustainable na water management.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts