
BidaPuertoPrincesan || 𝐁𝐀𝐓𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐔𝐄𝐑𝐓𝐎 𝐏𝐑𝐈𝐍𝐂𝐄𝐒𝐀𝐍, 𝐍𝐀𝐆𝐊𝐀𝐌𝐈𝐓 𝐍𝐆 𝐁𝐑𝐎𝐍𝐙𝐄 𝐌𝐄𝐃𝐀𝐋 𝐒𝐀 𝐀𝐒𝐈𝐀 𝐈𝐍𝐓𝐄𝐑𝐍𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍𝐀𝐋 𝐌𝐀𝐓𝐇𝐄𝐌𝐀𝐓𝐈𝐂𝐀𝐋 𝐎𝐋𝐘𝐌𝐏𝐈𝐀𝐃 𝟐𝟎𝟐𝟔
Robin Estrella, CIO Balita
Muling itinanghal ang talino at husay ng kabataang Puerto Princesan sa international stage matapos magwagi ng Bronze Medal si Raymund Kristobal Acosta ng Salve Regina School sa Asia International Mathematical Olympiad (AIMO) 2026 Final na ginanap sa Hanoi, Vietnam.
Kinatawan ni Acosta ang Pilipinas sa prestihiyosong kompetisyon na nilahukan ng humigit-kumulang 1,300 estudyante mula sa 26 na bansa. Ang AIMO 2026 ay inorganisa ng Hanoi University of Science and Technology at Tien Phong Newspaper, na naglalayong kilalanin at paunlarin ang mga kabataang may natatanging kakayahan sa larangan ng matematika o sipnayan.
Hindi naging madali ang kanyang paglalakbay tungo sa tagumpay. Kinailangan niyang harapin ang mahigpit na kompetisyon mula sa ilan sa pinakamahuhusay na batang mathematicians sa Asya at iba pang bahagi ng mundo. Sa final examination, sinagutan niya ang 30 mahihirap na tanong na may kabuuang 150 puntos. Mas naging mapanghamon ang pagsusulit dahil hindi ito multiple choice kundi fill-in-the-blanks, na nangangailangan ng mas malalim na pag-aanalisa, logical thinking, at katumpakan sa pagsagot.
Para kay Acosta, ang medalya ay bunga ng mahabang oras ng pag-aaral, pagsasanay, at determinasyong mahasa pa ang kanyang kakayahan sa matematika. Sa murang edad, pinatunayan niyang ang sipag at tiyaga ay maaaring magbukas ng mga oportunidad upang makipagsabayan sa pandaigdigang antas.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na nagbigay siya ng karangalan sa bansa. Bago ang kanyang tagumpay sa Vietnam, nagkamit na rin siya ng Gold Medal sa International Talent Mathematics Games (ITMG) sa Bangkok, Thailand, at Bronze Medal sa Living Math Olympiad sa South Africa sa online competition. Ang sunod-sunod na pagkilalang ito ay patunay ng kanyang kahusayan at patuloy na pag-unlad sa larangan ng matematika.
Higit pa sa mga medalya, nagsisilbing inspirasyon si Acosta sa kapwa niya kabataan na mangarap nang mataas, magsikap, at huwag matakot sumubok sa mga hamon. Ipinakikita ng kanyang kwento na ang talento, kapag sinamahan ng dedikasyon at disiplina, ay maaaring magdala ng karangalan hindi lamang sa sarili kundi maging sa buong komunidad at bansa.
Ang tagumpay ni Raymund Kristobal Acosta ay isa na namang patunay na ang mga kabataang Puerto Princesan ay may kakayahang makipagsabayan sa buong mundo at maging mga huwaran ng kahusayan para sa susunod na henerasyon.
Mabuhay ka, Raymund! Ipinagmamalaki ka ng Puerto Princesa at ng sambayanang Pilipino!
#PuertoPrincesaCity #ProudPuertoPrincesans #MathWizard
