
Hindi lamang isang parke ang Balayong People’s Park, ito ay pamana para sa mga susunod na henerasyon. Ito ang isa sa mga binigyang-diin ni Mayor Lucilo R. Bayron sa kanyang mensahe sa mga Puerto Princesan sa pagdiriwang ng Balayong Tree Planting and Nurturing Festival ngayong araw, Hulyo 25, 2026.
Ibinahagi rin ni Mayor Bayron ang kwento ng Balayong People’s Park gamit ang ang iba’t ibang timeline: noon, ngayon, at sa darating na panahon.
BALAYONG PEOPLE’S PARK: NOON, NGAYON, AT SA DARATING NA PANAHON
Kwento ng alkalde, tatlo lamang ang parke sa lungsod ng Puerto Princesa noong 2016: ang Children’s Park, Mendoza Park, at Coliseum Park.
Dito niya nakita ang pangangailangan ng lungsod para sa isang malawak na community park o ‘third space’ kung saan maaaring makapaglibang, makapag-ehersisyo at makapagpahinga ang mga mamamayan habang nabibigyan din ng pagkakataong makapag-bonding at makabuo ng masasayang alaala ang pamilyang Puerto Princesan.
Mula sa adhikaing ito ay isinilang ang Balayong People’s Park: isang luntiang espasyo na naging isa na sa mga pangunahing pasyalan dito sa Puerto Princesa.
“Kung magtatayo na lang rin tayo ng parke, gawin na nating tree park dahil marami itong advantages and benefits, alam niyo ‘yan dahil makakalikasan tayo rito sa lungsod ng Puerto Princesa. At, kung gagawin nating tree park, itanim natin ‘yung puno na magpapakilala sa lungsod ng Puerto Princesa,” pagbabalik-tanaw pa ni Mayor Bayron.
Inilahad din ng alkalde ang pangmatagalang plano para sa parke, kabilang ang pagbuo ng “White Corridor” na binubuo ng mga punong Balayong, “Yellow Corridor” na may mga Golden shower, at “Violet Corridor” na tatamnan ng mga Jacaranda upang higit pang pagandahin at pagyamanin ang tanawin sa buong parke.
“Makakadagdag ito sa ganda ng lungsod ng Puerto Princesa,” ani Mayor Bayron.
Kasabay nito nagbigay rin ng direktiba ang alkalde sa Balayong People’s Park Management na i-geotag ang lahat ng mga punong itinanim sa Balayong People’s Park upang mas maging sistematiko ang pagsubaybay sa kalagayan ng bawat puno.
Isa rin sa mga ipinahayag ni Mayor Bayron ang kanyang hangarin na ilipat ang pagdaraos ng Balayong Festival sa mismong panahon ng pamumulaklak ng mga punong Balayong, sa halip na isabay ito sa pagdiriwang ng Founding Anniversary ng lungsod. Layunin nitong maisulong ang festival na ito bilang isang natatanging karanasan para sa mga residente at turista, katulad ng tanyag na Hanami o cherry blossom viewing sa Japan.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na ng forester ng Balayong People’s Park kung paano mapamumulaklak nang sabay-sabay ang mga puno ng Balayong, ayon na rin sa direktiba ng punong lungsod.
“Mas maganda talaga na sabay-sabay sila mamulaklak […] Target natin na libo-libong turista ang makarating dito. At ‘yung mga Pilipinong hindi maka-afford pumunta sa Japan, maaaring pumunta dito sa Puerto Princesa dahil dito mayroon ding cherry blossom, ‘yung Palawan cherry blossom na tinatawag nating Balayong,” pahayag ni Mayor Bayron.
Sa huli, binigyang-diin ni Mayor Bayron na ang Balayong People’s Park ay isang proyektong nangangailangan ng sama-samang pangangalaga at pagpapatuloy upang mapakinabangan hindi lamang ng kasalukuyang henerasyon kundi maging ng mga susunod pang Puerto Princesan.
