










#CIOBALITA || ANIM NA PWD SA PUERTO PRINCESA, MAKATATANGGAP NG LIBRENG PROSTHETIC LEG
Maya Estiandan, CIO Balita
Mas pinalalakas pa ang suporta ng pamahalaan sa mga persons with disabilities (PWD) matapos maisailalim sa pagsusukat ang anim na kwalipikadong benepisyaryo mula sa Puerto Princesa para sa libreng prosthetic leg noong Hulyo 23, kasabay ng pagdiriwang ng National Disability Rights Week.
Ang programa ay ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Puerto Princesa at Orthofit Prosthetics and Orthotics PH, na siyang magsasagawa ng paggawa ng mga artificial leg.
Ayon kay PDAO Officer Genaro Manaay, bahagi ang lungsod ng provincial implementation ng programa kung saan anim na slot ang inilaan para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Puerto Princesa.
Dalawang uri ng prosthetic leg ang ipagkakaloob depende sa kondisyon ng benepisyaryo—para sa mga naputulan ng binti mula sa ibaba ng tuhod at para sa mga naputulan mula sa hita. Inaasahang makatutulong ang mga ito upang maibalik ang kanilang kakayahang makalakad nang mas komportable, maging mas malaya sa pang-araw-araw na pagkilos, at magkaroon ng higit na kumpiyansa sa kanilang sarili.
Malaking kagaanan din ang programang ito sa mga benepisyaryo dahil umaabot sa humigit-kumulang ₱50,000 ang halaga ng prosthetic leg para sa below-knee amputees at hanggang ₱200,000 naman para sa above-knee amputees—halagang hindi madaling maabot ng maraming pamilya.
Inaasahang matatapos ang paggawa ng mga prosthetic leg sa loob ng isang buwan matapos ang pagsusukat, habang target na maipamahagi ang mga ito sa Disyembre.
Patunay ang programang ito ng patuloy na pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng inclusive at accessible na serbisyong panlipunan, upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga PWD na mamuhay nang mas malaya, produktibo, at may dignidad. #PersonWithDisabilities #PuertoPrincesaCity
