52 SEAWEED FARMERS, TUMANGGAP NG DE-KALIDAD NA SEAWEED SEEDLINGS MULA SA PAMAHALAANG PANLUNGSOD

#AgriPanalo || 52 SEAWEED FARMERS, TUMANGGAP NG DE-KALIDAD NA SEAWEED SEEDLINGS MULA SA PAMAHALAANG PANLUNGSOD

Norma Lyn Aban-Dave | CIO Balita
Hulyo 23, 2026

Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang kabuhayan ng mga mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay ng de-kalidad na seaweed seedlings sa 52 kwalipikadong seaweed farmers mula sa mga barangay ng Tagburos, Manalo, at Babuyan.

Sa ilalim ng Sustainable Income Generating Project Support to Fisherfolk ng City Agriculture Office (CAO), tumanggap ang bawat benepisyaryo ng tig-100 kilo ng seaweed seedlings bilang panimulang puhunan upang mapalawak ang kanilang seaweed farms, mapataas ang produksyon, at magkaroon ng mas matatag at pangmatagalang pinagkukunan ng kita.

Bahagi ang programang ito ng patuloy na pagsusulong ng pamahalaang panlungsod sa pagpapalakas ng sektor ng pangisdaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng production inputs at tuloy-tuloy na teknikal na suporta sa mga benepisyaryo. Layunin nitong mapaunlad ang seaweed farming bilang isa sa mga pangunahing kabuhayan ng mga komunidad sa baybayin at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga pamilyang umaasa rito.

Ayon kay City Agriculturist Melisa T.U. Macasaet, mahalagang mapangalagaan at mapalago ng mga benepisyaryo ang mga punlang ipinagkaloob sa kanila upang matiyak ang masaganang ani at tuloy-tuloy na kabuhayan. Aniya, ang tagumpay ng programa ay nakasalalay hindi lamang sa pamamahagi ng mga punla kundi sa wastong pangangalaga at mahusay na pamamahala ng bawat seaweed farm.

Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, patuloy na isinusulong ang mga inisyatibong nagbibigay ng pangmatagalang kabuhayan sa mga mangingisda, nagpapalakas sa lokal na industriya ng pangisdaan, at nag-aambag sa mas inklusibo at matatag na pag-unlad ng Puerto Princesa. #CityAgricultureOffice #PuertoPrincesaCity

Similar Posts