




BalitangPangkabuhayan || TATLONG NEGOSYONG PANGTURISMO, GINAWARAN NG TAX INCENTIVES NG PAMAHALAANG PANLUNGSOD
Amie Bonales, CIO Balita
Hulyo 9, 2026
Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng isang masigla at business-friendly na kapaligiran sa Puerto Princesa, iginawad ng pamahalaang panlungsod ang mga Sertipiko ng Rehistrasyon sa tatlong negosyong pangturismo na kwalipikado sa mga insentibong nakapaloob sa umiiral na investment incentives ordinance ng lungsod.
Kabilang sa mga tumanggap ng sertipiko sina Gng. Nestle Pay Arboleda, may-ari ng Balinsasayaw Pasalubong Shop na may mga sangay sa Barangay Bancao-Bancao at Rizal Avenue; G. Clifford Acero Gacita, may-ari ng Luna Vista Tourist Inn sa Barangay San Manuel; at Gng. Nora R. Sangcap, may-ari ng Balay Gamay Hostel sa Barangay Milagrosa.
Pinangunahan nina City Administrator Atty. Arnel M. Pedrosa, Local Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO) Head Mrs. Lorraine M. Banzuelo, at Konsehal Eleutherius L. Edualino, Chairperson ng Committee on Trade, Commerce and Industry ng Sangguniang Panlungsod, ang paggawad ng mga sertipiko. Naging saksi rin sa programa sina Puerto Princesa Palawan Bankers Association President Joyce A. Abog, Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. Past President Edwin L. Tan, City Building Officer Engr. Rex G. Bundac, at mga kinatawan ng City Treasurer’s Office at City Assessor’s Office.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Konsehal Edualino ang mga negosyanteng nagtiwala at namuhunan sa Puerto Princesa. Aniya, layunin ng pamahalaang panlungsod sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron na higit pang mapalakas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng mga insentibong magpapagaan sa kanilang gastusin sa mga unang taon ng operasyon.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 461, ang mga kwalipikadong negosyo ay pinagkakalooban ng 100 porsiyentong exemption sa business tax at real property tax sa unang taon ng operasyon. Susundan ito ng 75 porsiyentong diskuwento sa ikalawang taon, 50 porsiyento sa ikatlong taon, at 25 porsiyento sa ikaapat na taon. Hindi kabilang sa mga insentibong ito ang mga regulatory fees.
Binigyang-diin naman ni City Administrator Pedrosa na ang pinakamahalagang layunin ng programa ay ang paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Puerto Princeseno. Ayon sa kanya, hindi lamang pamahalaan ang dapat maging pinagmumulan ng hanapbuhay kundi maging ang pribadong sektor. Dahil dito, ipinatutupad ng lungsod ang mga tax incentives upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan, mapalawak ang mga negosyo, at makalikha ng karagdagang empleyo para sa mamamayan.
Hinimok din niya ang mga benepisyaryo na maging katuwang ng pamahalaang panlungsod sa paghimok ng iba pang negosyante na mamuhunan sa Puerto Princesa, bilang patunay na ang lungsod ay isang ligtas, maunlad, at kaaya-ayang lugar para sa negosyo at pamumuhunan.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang tatlong negosyante sa ipinagkaloob na tax incentives. Ayon sa kanila, malaking tulong ang mga insentibong ito upang mapalago ang kanilang mga negosyo, lalo na sa sektor ng turismo. Ibinahagi rin nila ang kanilang kumpiyansa sa patuloy na pag-unlad ng Puerto Princesa at ang malaking potensyal nito bilang pangunahing destinasyon para sa pamumuhunan at turismo. #LEDIPO #PuertoPrincesaCity
