WORLD-CLASS SKATE PARK SA BALAYONG PEOPLE’S PARK, HANDOG NG PAMAHALAANG PANLUNGSOD PARA SA MGA KABATAAN

Isang makabuluhang hakbang para sa kabataan at sa patuloy na pag-angat ng sports tourism sa lungsod ng Puerto Princesa ang isinagawang groundbreaking ceremony ng itatayong Skate Park sa Balayong People’s Park nitong Pebrero 14, 2026, sa pangunguna ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron.

Mariing binigyang-diin ni Mayor Bayron na ang pasilidad na ito ay pangunahing inilalaan para sa mga kabataan ng Puerto Princesa.

“Mga kabataan, this facility is for you. We support you and we believe in you. Gamitin ninyo ito para mahasa ang inyong talento, ma-level up ang inyong skills at maging inspirasyon sa iba pang kabataan hindi lamang dito sa Puerto Princesa kundi sa buong Pilipinas,” pahayag ni Mayor Bayron.

Ayon pa sa alkalde, ang skatepark project ay malinaw na patunay ng suporta ng Pamahalaang Panlungsod sa skateboarding community at sa mga pangarap ng kabataan.

“Ang direksyon ng Pamahalaang Panlungsod ay hindi na lamang eco-tourism kundi sports tourism na rin. Kung magkakaroon tayo ng world-class facility na naaayon sa international standards, maaari tayong mag-host ng national at international competitions. Ito ay para sa inyo at para sa kinabukasan ng ating lungsod,” dagdag pa ng Punong Lungsod.

Ang skatepark ay idinisenyo upang maging isang ligtas, moderno at world-class na pasilidad na maaaring pagdausan ng local, national at international competitions. Layunin nitong hindi lamang palakasin ang sports development kundi hikayatin din ang mas aktibong partisipasyon ng kabataan sa makabuluhang gawain.

Ayon kay Engr. Jovenee Sagun, City Planning and Development Coordinator, tinatayang 150 skaters sa Puerto Princesa at humigit-kumulang 300 skateboarders sa buong Palawan ang direktang makikinabang sa proyekto. Ito rin ay magsisilbing venue para sa competitions, summer clinics at iba pang aktibidad, sa pakikipagtulungan sa Skate Pilipinas.

Lubos naman ang pasasalamat ng community ng skaters, long boarders at BMX sa suportang ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

“Kami ay taos-pusong nagpapasalamat sa inyo sa katuparang binigay ninyo sa aming mga pangarap na magkaroon ng skatepark. Ito pong skatepark na ito ay hindi lang skatepark para sa amin, ito na rin po ang tahanan ng bawat isa sa aming skaters. Dito po hinuhubog ang aming pagkatao, ang aming galing, dito rin magbibigay ng moral values sa aming buhay.” Ani Ramon Java, President ng Puerto Princesa Skateboarding Community

Malinaw ang paninindigan ni Mayor Lucilo R. Bayron na suportahan ang skatepark community at palakasin ang sports tourism bilang bahagi ng patuloy na pag-unlad ng Puerto Princesa, kung saan ang kabataan ang pangunahing prayoridad at katuwang sa paghubog ng mas maunlad na lungsod.

Similar Posts