| |

KAUNA-UNAHANG FREESTYLE MOTOCROSS SA PUERTO PRINCESA, DINAGSA NG HIGIT 15,000 KATAO

#FMX2026 || KAUNA-UNAHANG FREESTYLE MOTOCROSS SA PUERTO PRINCESA, DINAGSA NG HIGIT 15,000 KATAO

Umalingawngaw ang matinding hiyawan at palakpakan sa buong RVM Sports Complex, Balayong People’s Park sa kauna-unahang Freestyle Motocross Show na ginanap sa Puerto Princesa nitong Marso 23.

Bumusog sa mata ng mga manonood ang nakakahindik na talunan, matitinding liparan, at pasabog na stunts na tunay na naghatid ng goosebumps sa bawat isa. Sa bawat arangkada at paglipad ng mga rider sa rampa, ramdam ang tindi ng adrenaline at ang nakabibighaning mga trick sa ere.

Pinabilib ng mga eksperto at beteranong FMX riders ang publiko, tampok ang matinding pagtatanghal nina Dylon McDonald, Jarred McNeil, at ang tinaguriang “King of Philippine Motocross,” na si Bornok Mangosong. Lalong pinasigla ang palabas nang magpakitang-gilas din sa wheelie tricks si Phil Austin “Pilo” Mirasol.

Naghatid din ng aliw ang isang espesyal na sandali nang mabigyan ng pagkakataon ang isang manonood na kilala sa alyas na “San Chai” na umangkas kay Pilo habang nagsasagawa ito ng tricks. Umani ito ng hiyawan at kilig mula sa crowd, lalo na nang isama siya hanggang sa tabletop jump.

Sa pagtataya ng organizing team, humigit-kumulang 15,000 katao ang dumagsa at pumuno sa buong venue. Hindi lamang mga Puerto Princesan at Palaweño ang dumalo, kundi pati na rin ang mga bisitang nagmula pa sa iba’t ibang lugar upang masaksihan ang naturang palabas.

Ikinatuwa naman ni Mayor Lucilo R. Bayron ang matagumpay na pagdaraos ng kauna-unahang FMX show sa lungsod. Katuwang niya sa proyektong ito sina former City Councilor Raine Bayron bilang major sponsor, at Karl Bayron bilang overall organizer.

Abangan ang susunod na anunsiyo kung masusundan pa ang ganitong klaseng Freestyle Motocross Show sa Puerto Princesa. #FMX2026 #PuertoPrincesaCity #FreestyleMotocross2026 #ProgresibongPuertoPrincesa

Similar Posts