G-I-P NG DOLE AT CITY PESO: DAAN NG PAG-ASA AT KARANASAN PARA SA KABATAANG PUERTO PRINCESAN

#BalitangPangkabuhayan || G-I-P NG DOLE AT CITY PESO: DAAN NG PAG-ASA AT KARANASAN PARA SA KABATAANG PUERTO PRINCESAN

Ricky Obligar, CIO Balita

Isang panibagong yugto ng pag-asa at oportunidad ang binuksan para sa 61 kabataang Puerto Princesan nang opisyal silang sumabak sa Government Internship Program (GIP) ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Marso 16, 2026, sa pakikipagtulungan ng City Public Employment Service Office (PESO).

Mula sa pagiging aplikante, ngayon ay bahagi na sila ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lokal at nasyunal, bitbit ang pangarap, determinasyon, at hangaring matuto. Sa loob ng anim na buwang paninilbihan o hanggang Setyembre 28, 2026, mararanasan nila ang tunay na takbo ng serbisyo publiko. Mula sa simpleng gawain sa opisina hanggang sa aktuwal na pakikipag-ugnayan sa komunidad. Hindi lamang ito basta internship. Para sa mga benepisyaryo, isa itong pagkakataon upang masubok ang kanilang kakayahan, mapalawak ang kanilang kaalaman, at higit sa lahat, mahubog ang kanilang disiplina at malasakit bilang mga lingkod-bayan sa hinaharap.

Kapalit ng kanilang dedikasyon, makatatanggap ang mga GIP interns ng sahod na P455.00 kada araw, kalakip ang GSIS insurance, isang suporta na makatutulong hindi lamang sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan kundi maging sa kanilang pag-abot ng mga personal na mithiin.

Mula sa 112 kabataang sumabak sa aplikasyon at panayam noong Marso 11, 2026 sa tanggapan ng City PESO, ang 61 ay napili upang maging bahagi ng programa. Ang mga ito ay may edad 18 hanggang 30 taong gulang, nakapagtapos ng senior high school, vocational o technical courses, kolehiyo, o kasalukuyang nasa college level. Isa rin sa mga pangunahing kwalipikasyon ang pagiging hindi naka-enroll at pagiging lehitimong residente ng Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa bawat araw ng kanilang paninilbihan, hindi lamang karanasan ang kanilang naiipon kundi mga aral na kanilang dadalhin sa pagharap sa mas malalaking hamon sa hinaharap.

Patunay ito na sa tulong ng GIP, DOLE, at City PESO, ang kabataan ay hindi lamang binibigyan ng trabaho—kundi hinuhubog upang maging handa, responsable, at aktibong bahagi ng pag-unlad ng lipunan.

Samantala, patuloy ang buong suporta ng Mapagkalingang Mega Apuradong Administrasyon sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron sa mga programang nagbibigay-lakas sa kabataan; isang hakbang tungo sa mas matatag, mas maalam, at mas maunlad na Puerto Princesa City.

#CityPESO #PuertoPrincesaCity

Similar Posts