
Pinangunahan ni Mayor Lucilo R. Bayron ang pagpupulong kasama ang DSWD at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) upang mas mailapit at mas mapadali ang pamamahagi ng national pension para sa mga senior citizen noong Enero 21, 2026.
Ayon sa DSWD, mas epektibo ang pamamahagi ng national pension kapag dadaan sa lokal na pamahalaan, dahil mas kabisado ng lungsod ang mekanismo sa pagbibigay ng tulong sa mga mamamayan.
“Ito pong Fund Transfer ay directive po ng national na ibigay po sa Lokal na Pamahalaan yung pagdi-distribute ng ating social pension. Ito po ay action ng national nang sa gayun po ay mas mapabilis ang paghahatid ng serbisyo doon sa ating senior citizens lalo’t higit po sa atin, may mga area po tayo na mahirap maabot. Mas magiging effective, tinitingnan ng national na mas mapapadali yung pamamahagi ng subsidiya, mga tulong pinansyal doon sa senior citizens po sa ating lugar,” ani Eric P. Aborot mula sa DSWD Field Office, MIMAROPA.
Batay sa datos ng DSWD, may kabuuang 12,609 indigent senior citizens mula sa Puerto Princesa ang kasalukuyang kwalipikado sa national pension program. Ang mga benepisyaryong ito ay dumaan sa online national assessment system at tatanggap ng ₱3,000 kada quarter. Ang listahan ng mga kwalipikado ay ibibigay ng DSWD sa lokal na pamahalaan.
Napagkasunduan sa pulong na maaaring isabay ang distribusyon ng national pension sa sariling pension program ng lungsod upang mas maging episyente at hindi mahirapan ang mga kawani ng pamahalaan.
“Yes, of course, may Memorandum of Agreement yan. So may legal basis ang transfer of funds natin sa ating mga LGU. Syempre may capacity to implement yung ating mga binibigyan o gina-grant nung fund transfer sa programang ito. May schedule kasi tayo na agreed upon ng Local Government and DSWD at syempre doon yan kukunin sa schedule,” dagdag ni Aborot.
Ayon naman sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), sa huling quarter ng 2025, umabot sa 28,840 senior citizen beneficiaries ang tumatanggap ng pension mula sa lungsod, bawat isa ay may ₱3,000 kada quarter.
Nilinaw sa pulong na magkaiba ang dalawang programa: ang pension ng DSWD ay bahagi ng national program, samantalang ang lungsod ay may sarili ring lokal na senior citizen allowance program.
Para sa mga senior citizen na parehong kwalipikado, maaari silang makatanggap ng kabuuang ₱6,000 kada quarter mula sa pinagsamang benepisyo ng national at local government kapag naisakatuparan ang kasunduan.
“Ang magiging basis ng releases yung certification ninyo na ito ang qualified sa national pension. Isasabay namin doon sa distribution. First time natin gagawin ito, pero sa tingin ko kaya naman, wala naman problema,” ani Mayor Bayron.
Sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon at bukas na komunikasyon sa pagitan ng DSWD at Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa, inaasahang mas mapapalakas ang mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga senior citizen at masisiguro ang tuloy-tuloy na serbisyong may malasakit para sa kanila.
