BALAYONG FREE MUSIC WORKSHOP, PATULOY NA HUMUHUBOG SA TALENTO NG KABATAAN NG PUERTO PRINCESA

Maliit mang programa ngunit may malalim na epekto sa kabataan. Ito ang naging pahayag ni Mayor Lucilo R. Bayron sa muling pagsisimula ng Free Music Workshop na handog ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa para sa mga kabataan ng lungsod.

Limang taon nang patuloy na nagbibigay ng libreng edukasyon sa musika ang Balayong Free Music Workshop, kung saan tinuturuan ang mga kabataan mula sa pagbabasa ng musical notes hanggang sa aktuwal na pagtugtog ng iba’t ibang instrumento gaya ng ukulele, piano, gitara, at violin.

Bilang bahagi ng pagpaplano at pagpapaunlad ng Balayong People’s Park, itinayo ang Learning Pod bilang isang ligtas na espasyo hindi lamang para sa pag-aaral kundi para rin sa paglalaro, pagkatuto, at paghubog ng talento, lalo na sa larangan ng musika. Personal na sinuportahan ni Mayor Lucilo R. Bayron ang pagsisimula ng programa sa pamamagitan ng pag-donate ng mga musical instruments upang agad itong mapakinabangan ng mga kabataan.

“Mahalaga sa akin ang mga maliliit na programa na may malalim na epekto. Ang musika ay isang paraan upang mahasa ang creativity ng mga bata at maihanda sila sa mas magandang kinabukasan. Buo ang suporta ko sa inyo,” pahayag ni Mayor Bayron.

Bukas ang Balayong Free Music Workshop para sa mga kabataang edad 7 – 17. Bawat batch ay tumatagal ng limang buwan at nagtatapos sa isang recital bilang patunay ng mga kasanayang natutunan ng mga kalahok.

Umaabot sa humigit-kumulang isang daan ang mga nagrerehistro sa bawat batch. Ipinatutupad ang first come, first served na sistema sa pagpili ng mga kabataan, batay sa dami ng available na musical instruments at kakayahan ng mga instructor.

Ayon kay Balayong People’s Park Manager Architect Emilyn Kristia P. Nuevas, malaking tulong ang libreng workshop para sa mga magulang, lalo na dahil sa mataas na halaga ng private music lessons, kaya mas marami ang nabibigyan ng pagkakataong mapaunlad ang talento ng kanilang mga anak sa musika.

“Sa mahal ng private tutor, malaking tulong talaga ito sa mga magulang para masuportahan ang talento ng kanilang mga anak sa larangan ng musika,” ani Architect Nuevas.

Sa kabuuan, umabot na sa humigit-kumulang 300 kabataan ang nakapagtapos ng Balayong Free Music Workshop.

Patuloy ang paniniwala ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron, na bagamat maliit ang programa, malaki ang naiaambag nito sa paghubog ng disiplina, pagkamalikhain, at mas matibay na kinabukasan ng kabataan.

Similar Posts