| |

MGA ATLETA NG PUERTO PRINCESA NA NAGWAGI SA MIMAROPA RAA MEET, MAKATATANGGAP NG CASH INCENTIVES MULA SA LOKAL NA PAMAHALAAN

#BalitangIsports | MGA ATLETA NG PUERTO PRINCESA NA NAGWAGI SA MIMAROPA RAA MEET, MAKATATANGGAP NG CASH INCENTIVES MULA SA LOKAL NA PAMAHALAAN

May nakahandang pagkilala at gantimpala ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa para sa mga atletang nagbigay karangalan sa lungsod matapos nitong muling masungkit ang Overall Championship sa MIMAROPA Regional Athletic Association (MRAA) Meet 2026 na ginanap sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Sa ilalim ng umiiral na City Ordinance No. 1207, na nag-aamyenda sa probisyon ng ‘cash incentive program’ para sa mga atleta ng lungsod, makatatanggap ng cash incentives ang mga atleta at kanilang mga coach bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at tagumpay sa regional competition.

𝐀𝐲𝐨𝐧 𝐬𝐚 𝐧𝐚𝐬𝐚𝐛𝐢𝐧𝐠 𝐨𝐫𝐝𝐢𝐧𝐚𝐧𝐬𝐚, 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐚𝐭𝐥𝐞𝐭𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐚𝐠𝐰𝐚𝐠𝐢 𝐬𝐚 𝐢𝐧𝐝𝐢𝐯𝐢𝐝𝐮𝐚𝐥 𝐞𝐯𝐞𝐧𝐭𝐬 𝐚𝐲 𝐭𝐚𝐭𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚𝐩 𝐧𝐠 𝐬𝐮𝐦𝐮𝐬𝐮𝐧𝐨𝐝 𝐧𝐚 𝐢𝐧𝐬𝐞𝐧𝐭𝐢𝐛𝐨:
🥇 Gold Medal – ₱7,000
🥈 Silver Medal – ₱6,000
🥉 Bronze Medal – ₱4,000

𝐒𝐚𝐦𝐚𝐧𝐭𝐚𝐥𝐚, 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐚𝐭𝐥𝐞𝐭𝐚 𝐧𝐚 𝐦𝐚𝐤𝐚𝐤𝐚𝐤𝐮𝐡𝐚 𝐩𝐚 𝐧𝐠 𝐤𝐚𝐫𝐚𝐠𝐝𝐚𝐠𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐞𝐝𝐚𝐥𝐲𝐚 𝐬𝐚 𝐢𝐛𝐚 𝐩𝐚𝐧𝐠 𝐞𝐯𝐞𝐧𝐭𝐬, 𝐦𝐚𝐲 𝐧𝐚𝐤𝐚𝐥𝐚𝐚𝐧 𝐝𝐢𝐧𝐠 𝐬𝐮𝐜𝐜𝐞𝐞𝐝𝐢𝐧𝐠 𝐦𝐞𝐝𝐚𝐥 𝐢𝐧𝐜𝐞𝐧𝐭𝐢𝐯𝐞𝐬, 𝐤𝐮𝐧𝐠 𝐬𝐚𝐚𝐧 𝐦𝐚𝐤𝐚𝐭𝐚𝐭𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚𝐩 𝐧𝐠:

  • ₱5,000 para sa karagdagang gold medal
  • ₱4,000 para sa silver medal
  • ₱3,000 para sa bronze medal

Para naman sa team events, ang insentibo ay ibinibigay depende sa bilang ng miyembro ng koponan. Kung mas mababa sa limang (5) miyembro ang team, ang kabuuang insentibo ay katumbas ng incentive ng individual medal winners at paghahatian ng mga miyembro ng koponan. Kung higit naman sa limang miyembro ang team, bawat atleta ay tatanggap ng 25% ng incentive ng individual medal winners.

Hindi rin nakakalimutan ng lungsod ang mahalagang papel ng mga coaches at trainers. Ayon sa ordinansa, ang mga coach na personal na nagsanay at naglingkod sa mga atleta nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang kompetisyon ay makatatanggap ng 20% ng kabuuang cash incentive ng atleta. Kapag higit sa isa ang coach o trainer, paghahatian nila ang nasabing insentibo.

Ang programang ito ay patunay ng patuloy na suporta ng pamahalaang panlungsod sa pamumuno ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron sa pagpapaunlad ng sports at sa pagkilala sa sakripisyo at pagsisikap ng mga atletang nagdadala ng karangalan sa Puerto Princesa.

Matatandaang matagumpay na nakauwi sa lungsod nitong Sabado ng gabi ang delegasyon ng Puerto Princesa matapos ang kanilang makasaysayang back-to-back champion sa MRAA Meet kung saan nakapagtala sila ng 310 medalya — 143 gold, 92 silver, at 75 bronze.

Masayang sinalubong ang mga atleta ng kanilang mga pamilya, kamag-anak, at taga-suporta, habang pinangunahan naman ng pamahalaang panlungsod ang kanilang pag-welcome. Kabilang sa mga dumalo sa pagsalubong si Konsehal Victor Oliveros, Chairperson ng Committee on Education ng Sangguniang Panlungsod.

Sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan, umaasa ang lungsod na mas lalo pang mahuhubog ang mga kabataang atleta ng Puerto Princesa habang naghahanda para sa susunod na malaking hamon—ang Palarong Pambansa 2026. Patuloy na ipinagmamalaki ng lungsod ang galing at determinasyon ng mga atletang nagdadala ng karangalan sa Palawan.

Ariba, Puerto Princesa! 🏅

#CitySportsOffice #PuertoPrincesaCity #MRAAChampion

Similar Posts