
#BalitangIngatYaman || NAKALIGTAANG BUWIS SA ARI-ARIANG DI NATITINAG, PINABABAYARAN; WALANG PENALTY HANGGANG HULYO 5
Amie Bonales, CIO Balita
Umabot sa P41,141,490.83 ang nakolekta ng City Treasurer’s Office ng Puerto Princesa mula sa buwis sa mga ari-ariang di natitinag (real property tax) sa unang kwarter ng 2026, katumbas ng 22.41% ng kabuuang target na P183,600,000.00 para sa taon.
Sa naturang halaga, P205,513.27 ang nagmula sa buwis ng mga “idle lands” o mga lupang hindi napapakinabangan at nananatiling walang anumang paglilinang.
Kaugnay nito, muling hinihikayat ni City Treasurer Jerome M. Padrones ang mga may-ari ng ari-arian na bayaran na ang kanilang mga nakaligtaang amilyar, partikular ang mga obligasyong mula ikatlong kwarter ng 2024 pababa. Aniya, maaaring samantalahin ng mga nagbubuwis ang itinakdang palugit hanggang Hulyo 5, 2026 kung saan walang ipapataw na penalty, surcharge, o interes sa kanilang bayarin.
Ang nasabing hakbang ay alinsunod sa Republic Act No. 12001 o ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) na nilagdaan bilang batas noong Hunyo 13, 2024, na naglalayong mapalakas ang koleksyon ng lokal na pamahalaan habang binibigyan ng pagkakataon ang mga nagbubuwis na makapagbayad nang mas magaan.
Pinayuhan din ng tanggapan ang mga may-ari ng “idle lands” na gawing produktibo ang kanilang mga lupain upang mapakinabangan at makatulong sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
Para sa mga katanungan o tulong hinggil sa pagbabayad ng buwis, maaaring magtungo sa City Treasurer’s Office o makipag-ugnayan sa Land Tax Division sa telepono (048) 717-8027 o sa email na landtaxppc@gmail.com. #CityTreasurersOffice #PuertoPrincesaCity
