DRRM SUMMIT 2026, PINAGTUUNAN ANG PAGPAPALAKAS NG KAHANDAAN NG MGA BARANGAY SA SAKUNA

#BalitangKaligtasan || DRRM SUMMIT 2026, PINAGTUUNAN ANG PAGPAPALAKAS NG KAHANDAAN NG MGA BARANGAY SA SAKUNA

Mas pinaigting ang kahandaan ng mga barangay sa pagtugon sa sakuna at kalamidad sa isinagawang DRRM Summit 2026 sa lungsod, na may temang “Enhancing Community Preparedness and Response through Effective DRRM Strategies,” na ginanap sa Citystate Asturias Hotel.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga Punong Barangay at BDRRM representatives mula sa 66 na barangay, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor na may mahalagang papel sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM). Umabot sa tinatayang 200 kalahok ang nakiisa sa nasabing summit.

Sa mensahe ni City Administrator Atty. Arnel Pedrosa, bilang kinatawan ni Mayor Lucilo R. Bayron, binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang matiyak ang kahandaan ng bawat barangay sa panahon ng emergency at kalamidad. Pinuri rin niya ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa pangunguna ni Mr. Earl Timbancaya sa pagsasagawa ng programa na naglalayong palakasin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan sa ibaba.

Sentro ng talakayan ang pagpapahusay ng contingency at continuity planning ng mga barangay upang matiyak ang maagap at organisadong pagtugon sa anumang sakuna.

Ayon kay DILG OIC City Director Ms. Myla Panganiban, mahalaga ang pagkakaroon ng sistematikong paghahanda at pagtugon, gayundin ang pag-angkop ng mga napatunayang epektibong pamamaraan mula sa ibang lugar. Binigyang-diin din niya na hindi dapat maputol ang paghahatid ng serbisyo publiko kahit sa gitna ng krisis.

Tinalakay rin ang wastong paggamit ng pondo sa ilalim ng BDRRM sa pamamagitan ng presentasyon ni Hon. Glenn Calica, kung saan hinikayat ang mga barangay na ituon ang kanilang pondo sa mga programang magpapataas ng antas ng kahandaan ng komunidad.

Sa kabuuan, layunin ng DRRM Summit 2026 na masiguro na ang bawat barangay ay may sapat na kaalaman, plano, at kakayahan upang maprotektahan ang kanilang nasasakupan laban sa mga sakuna at iba pang di inaasahang pangyayari. #CDRRMOPPSCity #PuertoPrincesaCity

Similar Posts