
Nag-courtesy call kay Mayor Lucilo R. Bayron ang delegasyon mula sa University of the Philippines Resilience Institute (UPRI) ngayong Setyembre 29, 2026, bilang bahagi ng kanilang inisyatiba na palakasin ang disaster risk reduction and management (DRRM) collaboration sa lungsod ng Puerto Princesa.
Kabilang sa delegasyon sina UPRI Chief Researcher Dr. Emmanuel Luna, Senior Project Officer and Geologist Dainty Clarice Rabang, at Senior Science Research Specialist and Geologist Lea Victoria Serrano.
Nakibahagi rin sa pagpupulong sina Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Chief Earl Timbancaya at Local Disaster Risk Reduction and Management Officer III Lloyd Dela Cruz.
Layunin ng proposed collaborative engagement na palakasin ang multisectoral coordination at collaboration ng mga pangunahing DRRM stakeholders sa Puerto Princesa, gayundin ang capacity ng mga state universities and colleges (SUCs) sa pagsasagawa ng DRRM research na maaaring magsilbing batayan sa local governance, development planning, at risk reduction initiatives.
Bahagi rin ng inisyatiba ang flood-resilience at risk-mapping components, kabilang ang planong pamamahagi ng LiDAR-equipped drones sa mga participating SUCs. Ang mga kagamitang ito ay maaaring gamitin sa pagkuha ng high-resolution topographic data na mahalaga sa flood modeling, land-use planning, at iba pang risk-informed decision-making processes.
“Sige po, tulungan niyo po kami at sana makakuha tayo ng magandang data,” ani Mayor Bayron.
Ipinahayag din ng alkalde sa UPRI team ang kanyang pagkabahala sa pagdating ng matinding tagtuyot (severe drought) at mga sa posibleng epekto nito sa mga Puerto Princesans.
“Ang pinaka-goal po namin is to facilitate partnerships para po matugunan ang problema o mga posibleng problema,” positibong pahayag ng UPRI team.
Samantala, plano rin ng UPRI na tuklasin ang deployment ng disaster and meteorological sensor networks upang mapahusay ang monitoring capabilities sa national at local levels at masuportahan ang DRRM research ng mga lokal na institusyong pang-akademiko.
Sa courtesy call, ibinahagi ng UPRI team
ang Philippine Preparedness Partnership (PhilPrep), mga posibleng larangan ng koordinasyon at pakikipagtulungan sa City Government of Puerto Princesa at mga katuwang nito.
Ang PhilPrep ay isang quadripartite partnership ng UPRI, Office of Civil Defense, Center for Disaster Preparedness, at Philippine Disaster Resilience Foundation, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng iba’t ibang sektor na maging leaders at champions ng mas ligtas at resilient na mga komunidad.
