‘MAAYOS AT TULUY-TULOY LANG NA TRABAHO’

Kahapon, August 21, 2026, ininspeksyon ni Mayor Lucilo R. Bayron, kasama ang Office of the City Architect sa pangunguna ni Ar. Honesto Teves ang ilan sa mga vertical projects ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa kanyang pagbisita, inalam ni Mayor Bayron ang estado ng bawat proyekto, at ayon sa Office of the City Architect, may ilang mga proyektong inaasahan nang matatapos ngayong taon, tulad ng:

– Irawan Public Market

– Irawan Standard Day Care

– Tiniguiban Standard Day Care Center

– 3-storey, 9-classroom School Building at Tiniguiban Elementary School

– 3-storey, 9-classroom School Building at MAMES

– San Jose Public Market

– City Coliseum Freedom Park, at

– Baywalk Public Market

Habang nag-iinspeksyon sa mga school building, nagbigay ng direktiba si Mayor Bayron na dapat kasama na sa standard ang paglalagay ng solar power system sa mga susunod na school building na ipapatayo ng Pamahalaang Lungsod, upang masiguro ang tuluy-tuloy na pag-aaral ng mga estudyante at alinsunod na rin sa direksyon ng lungsod tungo sa renewable energy.

Pagdating naman sa palengke, hiniling ni Mayor Lucilo Bayron na siguraduhin ang kalinisan at kaayusan sa mga pamilihang-bayan kapag nagsimula na ang operasyon nito. Paalala rin ni Mayor Bayron na tiyaking may accessibility features para sa ikagiginhawa ng mga mamimili tulad ng pagdaragdag ng ramp.

Kasama rin sa mga binisita ni Mayor Lucilo Bayron ang City Coliseum Renovation, Balayong Park, at Skate Park. Pati na rin ang Plaza Cuartel kung saan ang restoration ay ayon sa aprubadong architectural design ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), na siyang output ng isang USAID project.

Sa isinagawang inspeksyon, binigyang-diin ni Mayor Bayron na sikaping maayos at tuluy-tuloy ang trabaho sa mga proyekto, upang ito’y agad na mapakinabangan ng mga mamamayan ng Puerto Princesa.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts