GOOD LUCK ON YOUR NEW PAGEANT JOURNEY, ANGELICA LOPEZ!

Bumisita si Miss Puerto Princesa 2018 at Binibining Pilipinas International 2023 Angelica Lopez sa isinagawang flag-raising ceremony nitong Lunes, Hulyo 20, 2026, at nagbigay ng courtesy call kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron bago ang kanyang panibagong paglalakbay sa mundo ng pageantry.

Ngayong bahagi na siya ng Reina Filipinas organization, muling haharap si Angelica sa pambansang kompetisyon sa hangaring masungkit ang korona ng Miss Grand Philippines at muling katawanin ang Pilipinas sa international stage.

Sa kanyang pagbisita, taos-puso niyang pinasalamatan si Mayor Bayron at ang mga taga-Puerto Princesa at buong Palawan sa patuloy na pagmamahal at suporta na kanyang natatanggap.

“Maraming salamat po, Mayor, sa muling mainit na pagtanggap. Sobrang saya ko pong makabalik. Wala pong nagbago. Maganda pa rin ang Puerto Princesa at napakababait pa rin ng mga tao. Hindi po ako makararating sa kung nasaan ako ngayon kung wala ang suporta ng mga taong naniwala sa akin. Lagi po akong bumabalik sa aking pinagmulan dahil mahalagang hindi natin nakakalimutan kung saan tayo nagsimula,” ani Lopez.

Hiniling din niya ang patuloy na suporta at panalangin ng mga taga-Puerto Princesa, ng buong Palawan, at ng lahat ng Pilipino sa kanyang panibagong laban. Hinikayat din niya ang publiko na suportahan ang Reina Filipinas organization at ang iba pang mga kandidata, at abangan ang mga susunod pang aktibidad at anunsyo ng kompetisyon.

Ipinahayag naman ni Mayor Bayron ang kanyang buong suporta kay Angelica at hangad ang kanyang tagumpay sa nalalapit na kompetisyon. Aniya, ipinagmamalaki ng Puerto Princesa ang mga kagaya niya na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon at karangalan sa lungsod sa pamamagitan ng kanilang husay, dedikasyon, at pagmamahal sa kanilang pinagmulan.

Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa, buong puso naming ipinapaabot ang aming pagbati at suporta. Good luck sa iyong bagong pageant journey, Angelica Lopez! Nawa’y muli mong maiwagayway ang bandera ng Puerto Princesa, Palawan, at ng Pilipinas sa international stage.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts