PAGPUPULONG PARA SA MAAYOS NA PABAHAY AT RELOKASYON

Pinangunahan ni Mayor Lucilo R. Bayron ang isang pagpupulong kasama ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) MIMAROPA, Social Housing Finance Corporation (SHFC), at iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlungsod upang talakayin ang mga susunod na hakbang para sa pabahay at relokasyon sa Tandikan Ville sa Barangay Irawan, ngayong araw, Marso 19, 2026.

Sa pagpupulong, inihayag na tutulong na ang DHSUD sa pagpaplano hanggang sa aktwal na pagpapatupad ng paglilipat ng mga benepisyaryo sa Tandikan Ville, bilang bahagi ng pagtitiyak na magiging maayos at organisado ang proseso.

Binigyang-diin ni Mayor Bayron ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano, kabilang ang pagtukoy sa mga suportang maaaring ibigay ng Pamahalaang Panlungsod at ang masusing profiling ng mga kwalipikadong aplikante.

Nilinaw na hindi sapilitan ang pag-apply sa programa, ngunit kinakailangan ang paglipat ng mga pamilyang maaapektuhan, lalo na ang mga nakatira sa coastal areas o coastal dwellers, upang mailipat sa mas ligtas at maayos na komunidad.

Ipinaliwanag din na sasagutin ng Pamahalaang Panlungsod ang dalawang taon na kontribusyon sa Pag-IBIG ng mga benepisyaryo, pati na rin ang gastusin sa kanilang paglilipat.

Sa huli, iginiit ni Mayor Lucilo R. Bayron na mahalaga ang pagtutulungan ng lahat ng ahensya upang matiyak ang maayos, organisado, at tuloy-tuloy ang magiging paglilipat ng mga benepisyaryo sa Tandikan Ville bilang pangmatagalang solusyon sa usaping pabahay sa lungsod.

Similar Posts