
Mas mataas na sahod simula ngayong 2026 ang hatid ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa, sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron, para sa mga garbage collector, garbage truck driver, street sweeper at traffic enforcer bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at kabayanihan sa trabaho.
Tataas na mula P369 hanggang P639 ang arawang sahod ng mga garbage collector at street sweeper. Ibig sabihin, makatatanggap na sila ng P16,614 kada buwan basta’t kumpleto ang pasok kumpara sa dating P11,070.00 kada buwan. May dagdag-sahod din ang mga garbage truck driver kung saan mula P392 ay magiging P678 na kada araw ang kanilang sweldo.
Samantala, aangat mula P466 hanggang P812 kada araw ang sahod ng mga Traffic Aide II ng City Traffic Management Office(CTMO) o kabuuang P21,112 na buwanang sahod kung kumpleto ang pasok, mula sa dating P13,980.00 na buwanang sahod.
Pagkakalooban naman ang mga Traffic Aide I ng P720 kada araw o P18,720 kada buwan mula sa dating P415 kada araw o P11,070.00 kada buwan.
Hangad ng Pamahalaang Lungsod na sa pamamagitan ng dagdag-sahod na ito ay maramdaman ng mga garbage collector, garbage truck driver, street sweeper at traffic enforcer ang pagpapahalaga ng Pamahalaang Panlungsod sa papel na ginagampanan nila upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at kaligtasan sa lungsod para sa progresibong Puerto Princesa.
