
#𝐀𝐠𝐫𝐢𝐓𝐚𝐲𝐨𝐃𝐢𝐭𝐨 || 𝐂𝐎𝐍𝐒𝐔𝐋𝐓𝐀𝐓𝐈𝐕𝐄 𝐌𝐄𝐄𝐓𝐈𝐍𝐆 𝐍𝐆 𝐒𝐄𝐊𝐓𝐎𝐑 𝐍𝐆 𝐀𝐆𝐑𝐈𝐊𝐔𝐋𝐓𝐔𝐑𝐀, 𝐇𝐀𝐊𝐁𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆-𝐔𝐍𝐋𝐀𝐃
𝐍𝐨𝐫𝐦𝐚 𝐋𝐲𝐧 𝐃𝐚𝐯𝐞, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Pinagtibay ng pamahalaang panlungsod ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa pamamagitan ng isinagawang Joint Consultative Meeting ng City Fisheries and Aquatic Resources Management Council (CFARMC) at Highly Urbanized City Agriculture and Fisheries Council (HUCAFC) noong Marso 20, 2026.
Layunin ng pagpupulong na talakayin at i-endorso ang mahahalagang inputs, rekomendasyon, prayoridad, at mga hinaing ng mga magsasaka at mangingisda sa lungsod ng Puerto Princesa bilang bahagi ng pagpapalakas ng sektor.
Tinalakay sa nasabing pulong ang mga pangunahing isyu, hamon, at oportunidad na kinakaharap ng agrikultura at pangisdaan, kabilang ang mga konkretong mungkahi upang mapataas ang produksyon, mapalago ang kabuhayan, at mapangalagaan ang likas-yaman ng lungsod.
Binigyang-diin na mahalaga ang ganitong uri ng konsultasyon upang direktang marinig ang tinig ng mga nasa sektor: ang kanilang karanasan, pangangailangan, at suhestiyon, na magsisilbing batayan sa pagbalangkas ng City Development Plan (CDP) 2026–2031 at ng Sectoral at Local Development Investment Program (LDIP) 2026–2028.
Ayon kay City Agriculturist Melisa T. U. Macasaet, ang aktibong partisipasyon at sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad ang susi sa pagsusulong ng isang inklusibo, episyente, at pangmatagalang kaunlaran para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa Puerto Princesa.
#CityAgricultureOffice #PuertoPrincesaCity
