
Opisyal na tinanggap ni Mayor Lucilo R. Bayron ang mga parangal na iginawad sa Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa kaugnay ng katatapos lamang na MIMAROPARAA Meet. Ang mga parangal ay ibinigay ng Schools Division of Puerto Princesa sa ginanap na flag-raising ceremony ngayong umaga, March 23, 2026, sa Green City Hall Grounds.
Kabilang sa mga tropeong tinanggap ng lungsod at ng delegasyon ng Puerto Princesa ang mga sumusunod:
Best Local Government Unit (LGU) Support (Champion)
Cleanest and Greenest Delegation (2nd Runner-up)
Most Disciplined Delegation (2nd Runner-up)
Tinanggap din ni Mayor Bayron ang token na ipinagkaloob ng host municipality na Sablayan, Occidental Mindoro.
Nakasama rin ng alkalde ang mga atleta na nagkamit ng iba’t ibang medalya, kung saan personal niya itong binigyang-pugay bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at pagsusumikap.
Ayon kay Mayor Lucilo R. Bayron, patunay ang mga pagkilalang ito na maayos at tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng sports program ng lungsod, na nagsisilbing pundasyon sa paghubog ng kakayahan ng mga atletang Puerto Princesa at sa pag-uwi ng karangalan para sa lungsod.
“Congratulations, Puerto Princesa. Hindi ito nakukuha nang overnight lang. Kung ngayon lang tayo nag-training para sa laban bukas, hindi natin ito makakamtan. Ibig sabihin, maayos ang ating sports program sa lungsod ng Puerto Princesa,” pahayag ni Mayor Bayron.
Mabuhay ang mga atleta ng Puerto Princesa!
