
#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐛𝐮𝐡𝐚𝐲𝐚𝐧 || 𝐊𝐀𝐀𝐋𝐀𝐌𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐍𝐆𝐊𝐀𝐁𝐔𝐇𝐀𝐘𝐀𝐍, 𝐇𝐀𝐓𝐈𝐃 𝐒𝐀 𝟒𝐏𝐒 𝐀𝐓 𝐒𝐎𝐋𝐎 𝐏𝐀𝐑𝐄𝐍𝐓𝐒 𝐒𝐀 𝐈𝐖𝐀𝐇𝐈𝐆
𝐀𝐦𝐢𝐞 𝐁𝐨𝐧𝐚𝐥𝐞𝐬, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Direktang pakinabang at bagong oportunidad ang hatid ng isinagawang livelihood training ng Local Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO) ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa para sa 50 benepisyaryo mula sa Sitio Bucana, Barangay Iwahig noong Abril 28, 2026.
Hinati sa dalawang grupo ang mga kalahok na kinabibilangan ng mga miyembro ng 4Ps at solo parents–25 ang sinanay sa paggawa ng dishwashing liquid habang ang natitirang kalahok ay natuto naman ng paggawa ng fabric conditioner. Sa pamamagitan ng hands-on na pagsasanay, agad na naipakita sa mga benepisyaryo ang praktikal na paraan upang makapagsimula ng maliit na kabuhayan gamit ang abot-kayang materyales na ipinagkaloob ng LEDIPO.
Pinangunahan ang pagsasanay ni Bb. Anabelle Maderazo, accredited trainer ng “Kapatid Mentor Me Program” ng Department of Trade and Industry, na nagbahagi ng teknikal na kaalaman at tamang proseso upang matiyak ang kalidad ng produktong maaaring ibenta sa komunidad.
Malaki rin ang naging bahagi ng pamunuan ng Barangay Iwahig sa ilalim ni Kapitan Yolanda Evangelista sa maayos na koordinasyon ng aktibidad, gayundin sa pagbibigay ng suporta sa mga kalahok.
Para sa mga benepisyaryo, hindi lamang ito simpleng pagsasanay kundi isang konkretong hakbang tungo sa mas matatag na kabuhayan. Ayon kay Gng. Virgie Garcia Villacarlos, isang solo parent at barangay tanod, malaking tulong ang natutunan niyang bagong pagkakakitaan na maaari niyang simulan upang madagdagan ang kita ng kanyang pamilya.
Ang nasabing programa ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng pamunuan ni Mayor Lucilo R. Bayron na palakasin ang kakayahang pang-ekonomiya ng mga mamamayan sa pamamagitan ng libreng pagsasanay pangkabuhayan. Sa ilalim ng LEDIPO sa pamumuno ni Gng. Loraine M. Banzuelo, bukas ang programa sa mga organisadong grupo na nagnanais matuto, bilang hakbang sa paglikha ng mas inklusibo at sustenableng pag-unlad sa lungsod.
#LEDIPO #PuertoPrincesaCity
