

𝐏𝐮𝐞𝐫𝐭𝐨𝐏𝐫𝐢𝐧𝐜𝐞𝐬𝐚𝐈𝐛𝐚𝐊𝐚𝐭𝐚𝐥𝐚𝐠𝐚 || 𝐏𝐔𝐄𝐑𝐓𝐎 𝐏𝐑𝐈𝐍𝐂𝐄𝐒𝐀, 𝐊𝐈𝐍𝐈𝐋𝐀𝐋𝐀 𝐍𝐆 𝐃𝐄𝐏𝐀𝐑𝐓𝐌𝐄𝐍𝐓 𝐎𝐅 𝐁𝐔𝐃𝐆𝐄𝐓 𝐀𝐍𝐃 𝐌𝐀𝐍𝐀𝐆𝐄𝐌𝐄𝐍𝐓 (𝐃𝐁𝐌) 𝐌𝐈𝐌𝐀𝐑𝐎𝐏𝐀 𝐃𝐀𝐇𝐈𝐋 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐀𝐆𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐒𝐔𝐒𝐔𝐌𝐈𝐓𝐄 𝐀𝐓 𝐏𝐀𝐆-𝐀𝐏𝐑𝐔𝐁𝐀 𝐍𝐆 𝐌𝐆𝐀 𝐌𝐀𝐇𝐀𝐋𝐀𝐆𝐀𝐍𝐆 𝐅𝐈𝐍𝐀𝐍𝐂𝐈𝐀𝐋 𝐑𝐄𝐏𝐎𝐑𝐓𝐒
Malaki ang naging papel ng Office of the City Budget sa pagkakamit ng parangal na ito. Sa pamamagitan ng kanilang masusing pagplano, koordinasyon sa iba’t ibang tanggapan ng lungsod, at maagap na paghahanda ng mga kinakailangang dokumento, natiyak na naaprubahan at naipasa sa takdang oras ang mahahalagang ulat na kinakailangan ng DBM.
Isang karangalang muli ang natamo ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa matapos itong kilalanin ng Department of Budget and Management – MIMAROPA Regional Office sa isinagawang DBM MIMAROPA Regional Office LGU Awards, bilang pagkilala sa 100% timely approval at submission ng FY 2026 Annual Budget at FY 2024 Public Financial Management Assessment and Improvement Plan (PFM-AIP) Reports ng lungsod.
Patunay ang ng pagkilalang ito ng matibay na pagsunod ng Pamahalaang Panlungsod sa mga pamantayan ng mahusay na Public Financial Management (PFM)—isang mahalagang sistema na nagsisiguro na ang pondo ng pamahalaan ay maayos na napaplano, naipatutupad, at napapanagot para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Ayon sa pamahalaang panlungsod, ang ganitong uri ng pagkilala ay bunga ng dedikasyon, disiplina, at propesyunalismo ng mga kawani ng Office of the City Budget, na patuloy na nagsisikap upang masiguro na ang bawat pisong pondo ng bayan ay maayos na napapangasiwaan at nagagamit para sa mga programang tunay na makikinabang ang mga Puerto Princesan.
Mahalaga ang maagang pagsusumite at pag-apruba ng mga financial reports upang mas mapabilis ang implementasyon ng mga programa at proyekto ng lungsod. Sa pamamagitan nito, nagiging mas maayos ang paghahatid ng mga serbisyong panlipunan, imprastraktura, at iba pang inisyatibo ng lokal na pamahalaan.
Ang pagkilalang ito mula sa DBM MIMAROPA ay hindi lamang tagumpay ng isang tanggapan kundi ng buong Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, na patuloy na nagsusulong ng transparency, accountability, at mahusay na pamamahala ng pondo ng bayan para sa mas maunlad na kinabukasan ng lungsod.
