
Isinagawa ang rehabilitation ng waiting shed sa Honda Bay Wharf sa Barangay Santa Lourdes bilang bahagi ng patuloy na inisyatiba ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron na paunlarin ang mga pasilidad para sa turismo sa lungsod. Layunin ng proyekto na mabigyan ng mas maayos na kaginhawaan at kaligtasan ang mga lokal at dayuhang turistang bumibisita sa mga isla ng Honda Bay.
Saklaw ng proyekto ang konstruksiyon ng isang mas malaki at mas pinahusay na waiting shed na may kabuuang lawak na 195.00 square meters, na magsisilbing itinalagang waiting at dispatching area ng mga turista bago ang kanilang biyahe patungo sa mga isla ng Honda Bay.
Kabilang sa mga pangunahing tampok ng bagong pasilidad ang modernong disenyo ng bubong na may arcing form at white overhang na nagbibigay proteksiyon laban sa ulan at init ng araw habang pinananatili ang maaliwalas na tanawin ng karagatan. Gumamit din ang proyekto ng UPVC thermoplastic roofing na kilala sa tibay at resistensiya laban sa corrosion, na angkop sa coastal environment ng lugar.
Nilagyan din ang waiting shed ng precast concrete benches na idinisenyo upang makayanan ang malalakas na hangin at mabigat na pedestrian traffic, na magbibigay ng komportableng upuan para sa mga pasaherong naghihintay.
Dagdag pa rito ang pagtatayo ng dalawang rinsing stall pad na may tig-dalawang handheld shower bawat isa, concrete trench drain para sa maayos na daloy ng tubig, at concrete plant boxes na magsisilbing karagdagang aesthetic at environmental feature ng pasilidad.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, patuloy na pinatitibay ng Pamahalaang Panlungsod ang mga hakbang upang mapalakas ang turismo at matiyak ang maayos, ligtas, at kaaya-ayang karanasan ng mga bisita sa isa sa mga pangunahing tourist destinations ng Lungsod ng Puerto Princesa.
