
Nagbigay ng direktiba si Mayor Lucilo R. Bayron sa Sangguniang Panlungsod na maghanda ng mga karagdagang insentibo para sa mga negosyanteng magbubukas ng negosyo sa Puerto Princesa City Baywalk, bilang bahagi ng layuning pasiglahin ang Night-time Economy (NTE) ng lungsod.
Ang Night-time Economy ay tumutukoy sa mga aktibidad at negosyong bukas mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga. Sa ilalim nito, inaasahang mas maraming kainan, tindahan, at pasyalan ang magiging bukas hanggang madaling araw upang mapaglingkuran ang mga turista at lokal na residente.
Ayon kay Mayor Bayron, mahalaga ang pagpapalakas ng Night-time Economy hindi lamang upang higit pang mapaunlad ang turismo sa lungsod, kundi upang makalikha rin ng ligtas at masiglang kapaligiran sa gabi para sa publiko. Tiniyak ng alkalde na paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang kaayusan, seguridad, at mahigpit na regulasyon sa mga establisyimentong lalahok sa NTE.
Sa kasalukuyan, may ilang umiiral nang mga insentibong ipinagkakaloob ang Pamahalaang Panlungsod tulad ng Tourism Mile, alinsunod sa Investment Code ng Puerto Princesa sa ilalim ng Ordinance No. 461. Sa pamamagitan nito, ang mga kuwalipikadong small and medium scale enterprises na matatagpuan sa Tourism Mile, mula Rizal Avenue Extension hanggang Canigaran sa Barangay Bancao-Bancao, ay maaaring makatanggap ng iba’t ibang insentibo.
Dahil dito, ang inisyatibong isinusulong ni Mayor Bayron para sa Baywalk ay magsisilbing karagdagang insentibo naman para sa mga negosyanteng magtatayo ng negosyo sa nasabing lugar, upang higit pang mapalakas ang night-time activities sa lungsod.
Inaasahang sa pagpapatupad ng mga hakbang na ito ay mas lalago ang turismo, magiging mas buhay ang nightlife ng Puerto Princesa City, at mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan ang malilikha para sa mga residente.
