
Naging makulay at makahulugang pagdiriwang ang Harvest Festival ng Highland Vegetable Project ng Puerto Princesa City Agriculture Office sa Purok 10, Sitio Tagbarungis, Barangay Inagawan-Sub nitong Miyerkules, Disyembre 17, 2025 kung saan sabay-sabay na inani ng mga magsasaka ang kanilang tanim na cauliflower at broccoli na bunga ng kanilang pagsisikap.
Sa gitna ng selebrasyon, binigyang-diin ni Ginoong Miguelito Cervancia ng City Agriculture Office na ang proyekto ay bunga ng masusing pag-aaral sa lupa, tamang variety ng gulay, nutrisyon ng halaman, at pest management upang maging angkop ang produksyon sa mga highland areas. Layunin nitong mapalakas ang lokal na suplay ng gulay, matiyak ang ligtas na pagkain, at makapagbigay ng dagdag-kabuhayan sa mga magsasaka.
Ibinahagi ng mga magsasaka ang personal nilang karanasan sa proyekto. Si Jose Patricio, isang cauliflower farmer, ay nagsabing tatlong taon siyang nabigo bago muling nagtagumpay. “Akala ko susuko na ako, pero dahil sa City Agriculture, nabawi ang mga pagkatalo ko. Masaya ako kahit hindi pa sigurado ang kita,” ani Patricio.
Para naman kay Reggie Nawanao, broccoli farmer, naging mahalaga ang tuloy-tuloy na paggabay ng City Agriculture Office. “Kung hindi dahil sa City Agriculture, wala kaming ganitong karanasan at kaalaman. Hindi nila kami iniwan hanggang ani,” saad niya.
Ayon kay City Agriculturist Melissa Macasaet, ipinapakita ng Harvest Festival ang potensyal ng bawat lugar sa agrikultura at ang kahalagahan ng pagtutulungan. Nagpasalamat din siya sa suporta at tiwalang ibinibigay ni Mayor Lucilo R. Bayron, at hinikayat ang mga magsasaka na pahalagahan ito upang mas tumagal at mas mapalakas pa ang programa.
Mula sa pagtatanim noong Oktubre hanggang sa unang ani nitong Disyembre, pinatunayan ng proyekto na sa pamamagitan ng tulong ng City Agriculture Office, pagtitiyaga ng mga magsasaka, at tiwala ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron, nagiging posible ang mas matatag at sustenableng produksyon ng gulay sa highland areas ng mga barangay ng Puerto Princesa.
Mabuhay ang magsasaka at agrikultura ng Puerto Princesa!
