₱6,000 QUARTERLY ALLOWANCE PARA SA MGA PUERTO PRINCESA LAW ENFORCERS BILANG PAGKILALA SA KANILANG SERBISYO

Bilang pagkilala at malasakit sa mga tagapagpatupad ng batas, inanunsyo ni Mayor Lucilo R. Bayron ang pagkakaloob ng anim na libong piso (₱6,000) na quarterly allowance para sa mga law enforcers ng Lungsod ng Puerto Princesa simula ngayong taon.

Saklaw ng programa ang kabuuang 1,354 personnel mula sa iba’t ibang law enforcement agencies, kabilang ang Philippine National Police (PNP) tulad ng Police Office, Internal Affairs Service, City Explosives and Canine Unit, Maritime Group, Aviation Security Group, at Highway Patrol Group. Kasama rin sa benepisyaryo ang Palawan Cyber Response Unit, City Fire Station, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP City Jail), opisyal man o hindi, pati ang mga non-uniformed personnel (NUP) na may plantilla positions.

Ayon sa alkalde, ang naturang allowance ay katumbas ng dalawang libong piso (₱2,000) kada buwan na ibibigay tuwing ikatlong buwan o quarterly. Mas mataas ito kumpara sa dating ₱1,000 monthly allowance, bilang tugon sa patuloy na pangangailangan at sakripisyo ng mga tagapagpatupad ng batas sa lungsod.

Binigyang-diin ni Mayor Bayron na layunin ng programang ito na maibsan ang araw-araw na suliranin ng mga law enforcers at maipadama ang pagkilala ng Pamahalaang Panlungsod sa kanilang sakripisyo at serbisyong ibinibigay sa komunidad.

“Ang allowance na ito ay pagkilala sa mga sakripisyo at dedikasyon ninyo. Kinikilala namin iyan…Nakikita namin ang mga ginagawa ninyo para sa katahimikan ng ating lungsod at para sa mga mamamayan natin.” Pahayag ni Mayor Bayron

Tinitingnan ng pamahalaang lungsod ang mga law enforcers bilang mahalagang katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran ng Puerto Princesa. Umaasa rin ang alkalde na sa pamamagitan ng programang ito ay mas lalo pang mapagtitibay ang tiwala at ugnayan sa pagitan ng mga tagapagpatupad ng batas at ng komunidad na kanilang pinaglilingkuran.

Ikinatuwa naman ng mga law enforcers ang pagtaas ng allowance at ang patuloy na suporta ng pamahalaang lungsod sa kanilang kapakanan.

“Ang mga allowance na ito ay napakahalaga, lalo na sa aming hanay sa pulisya. Sapagkat ito ay malaking tulong sa aming pang-araw-araw na pangangailangan. Malaking tulong din ito sa aming pagtupad sa aming sinumpaang tungkulin at higit sa lahat, ang tulong ng ating Mayor ay lalo pang magtataas ng aming morale upang lalo pa naming mapagsilbihan ang mga mamamayan ng Puerto Princesa City.” Ayon kay PLTCOL Rafael Roxas Jr. City Chief, PPC Forensic Unit

Ang programang ito ay kaagapay ng iba pang mapagkalingang inisyatibo ng lungsod, tulad ng mga benepisyo para sa mga senior citizen at iba pang sektor, bilang bahagi ng adbokasiya ng administrasyon ni Mayor Bayron na isulong ang isang inclusive at makataong pamamahala sa Puerto Princesa.

Similar Posts