CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Marso 19 (PIA) -- Ginawaran ng gantimpala ang mga paaralang nagwagi sa patimpalak sa proyektong Gulayan sa Paaralan sa Puerto Princesa.

Labing tatlong munisipyo ang lumahok sa naturang patimpalak kung saan pinili ang mga nagwagi sa hanay ng munisipyo.

Layon ng programang Gulayan sa Paaralan na maitaas ang kamalayan ng mga mag-aaral sa kahalagahan ng pagtatanim ng gulay at ang ibinibigay nitong nutrisyon sa ating katawan.

Ang mga sumusunod ay ang mga nagkamit ng unang puwesto sa lebel ng munisipyo kung saan unang isinagawa ng patimpalak: Plaridel Elementary School (ES) sa Aborlan, Bancalaan ES sa Balabac, Oring-Oring ES sa Brooke’s Point, Cuyo Central School sa Cuyo, Iraray ES sa Sofronio Española, Balaguen ES sa Magsaysay, Sandoval ES sa Narra, Panibugon ES sa Quezon, Malapandeg ES sa Rizal, Abaroan ES sa Roxas, New Agutaya ES sa San Vicente, at Calawag ES sa Taytay.

Ang mga nagwagi sa municipal level ay ang naglaban para sa provincial level at nakuha ng Plaridel Elementary School (ES) ng Aborlan ang unang puwesto, pumangalawa ang Iraray ES ng Sofronio Espanola at pumangatlo ang Bono-Bono ES ng Bataraza para sa provincial level.

Ang proyektong ito ay bilang pagtugon din sa food security ng lalawigan na nakapaloob sa Health, Education, Agriculture, Tourism (HEAT) program sa ilalim ng sektor ng agrikultura. Ang mga itinanim ng mga bata ay okra, ampalaya, sitaw, kamatis, kalabasa at iba pa.

Matatandaan na ang patimpalak na ito ay inilunsad noong ika-10 ng Mayo, 2011 sa Kapitolyo na sinundan ng pagsasanay ng mga guro ng Provincial DepEd para sa implementasyon ng patimpalak na nagsimula noong Hunyo 2011 sa pagbukas ng klase.

Ang criteria sa pagpili kung sino dapat ang magwagi ay ang sumusunod: farm/garden lay-out-15 porsiyento, technology innovations-15 porsiyento, organic input production-20 porsiyento, quantity of produced vegetables-25 porsiyento, at quality of produced vegetables-25 porsiyento.

Ang Pamahalaang Panlalawigan ang nagbigay ng gantimpala, sa mga nagwagi katulad ng isang computer set na may kasamang printer at plake sa Plaridel Elementary Schoolat plake. Sa ibang nagwagi ay nagbigay naman ng tig-isang portable typewriter.

Samantala, pinagkaloob naman ng Department of Agriculture-Regional Field Unit (DA-RFU) IVB sa bawat nagwagi ang isang rolyo ng UV film, knapsack sprayer, at sampung seedling trays.

Pinangunahan ni Gob. Abraham Kahlil B. Mitra ang awarding ceremonies para sa patimpalak ng Gulayan sa Paaralan na isinakatuparan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture-Regional Field Unit (DA-RFU) at Department of Education (DepEd).

Ang naturang seremonya ay ginanap noong Marso 14 sa Julio Arzaga Memorial Elementary School sa bayan ng Taytay. Katuwang ni Gob. Mitra sa paggawad ng premyo sa mga nagwagi ay sina Provincial Agriculturist Engr. Teresita Guian, Gng. Gloria Segaya na tumatayong focal person ng Gulayan sa Paaralan program ng DA-RFU IVB, at G. Vicente Binasahan ng Agricultural Production Coordinating Office ng Northern Palawan. (PIO/TBO/OCJ-PIA4B Palawan)

By Orlan C. Jabagat

 

Article Type: 
Categories: