Printer-friendly version

Nagsagawa ng pagpupulong ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa at United States Agency International Development (USAID)  upang talakayin ang mga kapamaraanang mas magpapatibay sa USAID-City-Private sector partnerships sa pagpapaunlad ng enerhiya, agrikultura, turismo, kalikasan at airport development ng Lungsod ng Puerto Princesa noong Miyerkules, ika-19 ng Abril sa Conference Room ng City Hall.

Ayon kay USAID Senior Economic Development Specialist John Avila, hindi pumunta ang USAID sa Lungsod ng Puerto Princesa upang magdala ng solusyon. Nais nitong marinig ang mga isyung kinahahaharap ng industriya ng turismo at ang dapat na solusyon, pagkatapos ay susuportahan nila ito. Ani Avila, siya ay interesado sa pagsuporta kung paano ang pamahalaang lungsod, stakeholders, pribadong sector, at civil society organization ay magpaplano at anong aksiyon ang kanilang isasagawa sa pagpapa-unlad ng airport. Para kay Avila, sa kanyang obserbasyon “game changer” ang paliparan para sa lungsod at industriya ng turismo dito.

Sa usapin ng pagbubukas ng bagong airport, sinabi ni Mayor Luis Marcaida III na marami pang dapat himayin, pag-usapan at gawing hakbang upang maibsan ang mga problema at isyung kalakip nito at handa siyang makipagtulungan. Bahagi ng suporta sa industriya ng turismo ang pagkakaroon ng familiarization tour na makatutulong sa promosyon ng Pamahalaang Panlungsod na isasagawa ngayong buwan ng Mayo. Patuloy din ang pagpapa-unlad sa telecommunications sa lungsod dahil fiber optics na ang Globe, Smart, at nandirito rin ang iba pang malalaking kompanya ng telecommunications. Ipinagmalaki din ni Mayor Marcaida ang peace and order sa lungsod. Napakababa ng datos sa crimes against persons at crimes against property. Bagaman mataas ang bilang ng vehicular accident, hindi ito kabilang sa violent related crimes. Sa kuryente, mayroong tatlong bagong generators ang DELTA P na kayang mag-bigay ng 30  megawatts sa lungsod bagaman hindi ito kasiguruhan na wala ng brown-out. Ayon sa water district ay walang problema sa tubig dahilan bagaman summer ay umuulan. “Marami pang kailangan gawin, pero ito ang pangunahing dapat tingnan at ihanda sa pagpo-promote ng lungsod upang mabuhay lalo ang sektor ng turismo”, ayon kay Mayor Marcaida. Pinasalamatan din ng alkalde ang offer ng USAID na i-review at tignan yung magiging master plan na manggagaling sa consultant.

Ang USAID ay isang organisasyong nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang magbigay ng “technical assistance” at tumutulong upang maitaas ang mga kondisyon na susuporta sa economic growth ng mga piling lungsod sa bansa. Ang Lungsod ng Puerto Princesa ay isa sa walong lungsod sa Pilipinas na kabilang sa USAID’s Cities Development Initiative (CDI) Program, kasama ang lungsod ng Batangas, Legazpi, Iloilo, Tagbilaran, Cagayan de Oro, General Santos at Zamboanga. Ang CDI ang magiging tulay upang maisakatuparan ang mga ideya at solusyong maisaayos at mas mapaunlad ang mga siyudad na kabilang sa SURGE Project. Ito ay naglalayong pangalagaan ang malawakang kaunlaran sa lungsod, magkaroon ng kakayahang tumayo at lumaban sa problema o sakuna, magkaroon ng kaaya-ayang sitwasyon para sa negosyo na magdadala ng maraming trabaho, mas mataas na koleksyon ng buwis, at siguradong maunlad na ekonomiya sa pagtataguyod ng USAID-CDI program.

Ang pagpupulong ay pinangunahan nina USAID Senior Economic Development Specialist John Avila at Deputy Chief of Party-Strengthening Urban Resilience for Growth with Equity (SURGE) Project Serge Andal, Punong Lungsod Luis Marcaida III, mga kawani mula sa City Tourism Office, City Agriculture Office, City Budget Office, City Environment and Natural Resources Office, City Information Office, City Health Office, City Baywalk, City PESO, City LEIPO, Palawan Tourism Council, Puerto Princesa Chamber of Commerce and Industry, Department of Trade and Industry, Filipino-American Chamber of Commerce, Job Start Philippines, Astoria Palawan, Kalikasan Travel and Tours, Kiwani, CTC, CAAP, TESDA, PPCCI, ATAATEP, GAD, representante ng PICTA/PCCI/SITEL at POT-MPC.

Samantala, magkakaroon ng Tourism Development Workshop sa darating na buwan ng Mayo, petsa 3-5 ng taong kasalukuyan. Inanyayahan ang lahat ng dumalo sa nasabing pulong na makiisa at  magbahagi ng kanilang mga inputs sa gaganaping workshop.

 

Article Type: 
Categories: