Printer-friendly version

Muli na namang nakuha ng Puerto Princesa Subterranean River National Park, ang pambato ng Pilipinas sa Search for New Seven Wonders Of Nature ang unang pwesto sa ika-labindalawang linggo ng 2nd round of voting. Ito ay matapos na makadalawang beses na nahulog sa ikalawang pwesto ang pamosong underground river ng lungsod. Pumapangalawa pa rin ang Amazon River at pangatlong pwesto ang Sundanbar Forest sa category E.

Sa kasalukuyan, ang Amazon River na mahigpit na kalaban ng Puerto Princesa Subterranean River National Park ay nag-aantay pa na opisyal na iindorso ng bawat bansa na nadadaanan nito upang maging opisyal na makalahok sa susunod na yugto ng kampanya. Mayroon na lamang 20 araw bago magtapos ang 2nd phase of voting.

Kung matatandaan nanguna ang Underground River sa 1st round of voting nitong nakaraang taon sa mahigit na 441 na nominees mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngayong 2nd round ay mayroong 261 na nominees na hinati sa pitong kategorya mula sa 222 na mga bansang kalahok kung saan nagbukas ang online voting noong ika-7 ng Enero at magtatapos sa ika-7 ng Hulyo taong kasalukuyan.

Pipili ng pitumpu’t pitong nominado na makakakuha ng mataas na boto kung saan ay kukuha ng 21 official finalists ang panel of experts na siya namang susulong sa 3rd at final phase ng pagboto kung saan pipili ng mangunguna at tatanghaling kasapi ng new seven wonders of nature sa taong 2011.

Inaanyayahan ang lahat na maglaan ng oras sa pagboto bilang suporta sa ating opisyal na nominado sa new seven wonders of nature ang Puerto Princesa Subterranean River National Park. Mag log on sa www.new7wonders.com i-click ang vote for your nominee at i-fill up ang form. Siguruhing bomoto ng 7 nominado upang mabilang ang inyong boto.

 

Article Type: 
Categories: