Printer-friendly version

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Mayo 2 (PIA) -- Nilagyan na ng pamahalaang panglungsod ng closed circuit television (CCTV) camera ang ilang tourist destinations sa lungsod upang ma-monitor ang mga pang-araw araw na aktibidad sa lugar.

Ito ang kinumpirma ni City Councilor Eleutherius Edualino, Chairman ng Committee on Tourism sa panayam dito noong araw ng Lunes sa regular na sesyon ng Sangguniang Panglungsod.

Ayon kay Edualino, dalawang yunit ng CCTV ang inilagay sa Honda Bay sa Barangay Sta. Lourdes, apat na yunit naman sa pantalan ng Sitio Sabang, Barangay Cabayugan, at apat na yunit din ang inilagay sa paligid ng Puerto Princesa Underground River.

Ang paglalagay ng CCTV sa mga nabanggit na lugar ay bunsod na rin ng kahilingan ng mga opisyal ng Pamahalaang Panglungsod matapos ang insidente ng pagsabog sa pantalan ng So. Sabang noong nakalipas ng mga buwan.

Ang mga nabanggit na lugar ang siyang dinarayo ng mga turista, lokal o dayuhan man.

Maliban sa mga tourist destinations na nilagyan na ng CCTV, pinaghahandaan na rin ng pamahalaang panglungsod ang paglalagay pa nito sa iba pang tourist destination upang maseguro ang kaligtasan ng bawat isang dumarayo dito. (OCJ-PIA4B-Palawan)

By Orlan C. Jabagat

Article Type: