Printer-friendly version

Iginawad ni Mayor Lucilo R. Bayron ang isang Sertipiko ng Rehistrasyon sa SITEL PHILIPPINES CORPORATION noong Hunyo 28, 2017, sa inagurasyon ng establisimento. Ang sertipiko ay tinanggap  ni Craig  Reines, Chief  Operation Manager ng kompanya. Nagsasaad ito ang 100% exemption sa pagbayad ng business tax para sa taong 2017 at 2018, 75% sa 2019 at 50% sa 2020. 

 

Ang pagbibigay ng business tax exemption sa SITEL Philippines Corporation ay batay sa Section 22 ng Puerto Princesa Investment Code of 2010 na pinagtibay ng City Ordinance No. 461 at inaprobahan noong Enero 7, 2011. Napapaloob sa ordinansang ito ang mga batayan sa pagpili ng mga negosyong maaaring bigyan ng insentibo. Ilan sa mga pinagbabasehan ay ang pagkakaroon ng kompletong dokumentong inuutos ng batas, halaga ng kapitalisasyon at mayroong  80% empleyado mula sa mamamayan ng lungsod. Lahat ito ay natugunan ng SITEL, na nagresulta sa pag-aproba ng aplikasyon sa business tax exemption. Ayon kay Bb. Haidee Enriquez, Vice President for Operations, may 915 empleyado na taga Palawan ang Sitel-Puerto Princesa, katumbas ito ng 90% ng mga manggagawa ng sangay.

 

Positibo ang pananaw ni Mayor Lucilo R. Bayron sa pag-unlad ng Sitel-Puerto Princesa. Maraming kalamangan ang Puerto Princesa kumpara sa mga kahintulad na siyudad na mayroong Sitel. Walang lindol at di tumbok ng bagyo ang Puerto Princesa.  Mas malapit ang tirahan ng mga empleyado sa gusali ng kompanya at hindi na nangangailangan ng mahabang oras ng pagbibiyahe tulad sa Manila at Cebu.

 

Pinasalamatan ni Mayor Bayron ang SITEL sa kontribusyon nito sa paglago ng ekonomiya ng lungsod. Bukod sa pagbibigay ng trabaho sa mga nakapagtapos sa kolehiyo, kumikita rin ang  maliliit na negosyo tulad ng mga kainan at mga streetfoods vendors. Suki ang mga empleyado ng mga kakaning paninda. Dahil sa mga itinutulong ng SITEL ipinaabot ni Mayor Bayron  ang balakin ng lokal na pamahalaang magtayo ng mga call center buildings sa bahaging malapit sa City Coliseum at sa government center sa Sta. Monica upang mas mababa ang magiging upa ng mga katulad na kompanya.

 

 Ang paggawad ng sertipiko ng rehistrasyon ay sinaksihan nina Kgd. Henry Gadiano, Puerto Princesa Chamber of Commerce and Industry President Argee Lim,  Asst. City Treasurer Jerome Padrones at Palawan Bankers Association President Mar Anonat.  Andoon din sina PEZA Chairwoman Charito Plaza, Vice Governor Dennis Socrates at kinatawan ng mga tanggapang pampubliko at pribado.

 

 

Navigation Menu