Printer-friendly version

Dalawang karangalan ang iginawad sa Puerto Princesa mula Success Alliance Philippines noong Agosto 28, 2009 sa SM Megatrade Hall, Manila. Tinagurian itong Goldern Pods Awards na kumilala sa lungsod bilang Most Outstanding Local Government Unit (National Level) at sa City Agriculture Department bilang Most Outstanding Nursery Operator. Tinanggap ni Gng. Melissa ang mga plake bilang kinatawan ni Mayor Edward S. Hagedorn kasama ang ilang mga kawani ng kanyang tanggapan. Naging panauhing pandangal sa nasabing okasyon si Ambassador Kristie Kenney ng America na siya ring nag-abot ng plake na sinaksihan naman ni G. Nic Richards at G. Ed David ng Cocoa Phils.
Ikinatuwa ni Mayor Edward S. Hagedorn ang karangalan natamo ng lungsod. Ang ganitong pagkilala aniya ay inspirasyon para lalo pang paigtingin ang mga programa at proyektong pang-agrikultura na pangunahing tuon ng kanyang pamunuan.
35 local government units sa buong bansa ang nominado sa parangal.Walo (8) ang napili mula sa Luzon, Visayas at Mindanao, at ang Puerto Princesa ang nagwagi . Ilan sa pinagbasehan sa pagpili para sa lokal na pamahalaan ay: ang kontribusyon o puhunan ,suporta at mga gawain na ibinahagi at isinagawa para sa pagpapaunlad ng programang pangcacao. Binigyang puntos din ang pagtalima sa kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng Cocoa Foundation of the Philippines.
Naging malaking bahagdan sa City Agriculure Office ang magandang produksiyon at distribusyon ng mga punlang cacao para mapili na Outstanding Nursery Operator. Ayon kay Gng. Macasaet umaabot na sa 62,000 seedlings ang naipunla na ng kanilang taniman. Karamihan dito ay ipinamahagi sa mga magsasaka sa lungsod na sumailalim sa pag-aaral at pagsasanay sa Cacao Farmers Field School . May naibahagi ring punla sa ibang munisipiyo ng Palawan at ang iba naman ay nakaabot pa sa Iloilo.
Sa kasalukuyan tinatamasa na ng mga benepisyaryo ang bunga ng pinagsamang pagsisikap ng pamahalaang lungsod , Success Alliance at mga mismong magsasaka. Ang mga ani mula sa kanilang pataniman ng cacao ay pinoproseso upang maging pulbos na pantimplang inumin at ang iba naman ay iminomolde bilang tableya. Ibinebenta ito ngayon sa mga pamilihan bayan, tindahan at ang iba naman ay mabibili sa mga pasalubong centers na nasa lungsod.

Article Type: 
Categories: