Printer-friendly version

Personal na humarap si Punong Lungsod Luis Marcaida III kasama ang iba’t ibang kawani ng lungsod sa isinagawang public consultation nitong ika-11 ng Abril sa Bgy. Sta. Lourdez sa Lungsod ng Puerto Princesa upang talakayin ang isyu ng lawang kontaminado ng mercury bunga ng pagmimina sa lugar ilang taon ng nakalipas.

 

Sa isinagawang pagsusuri ng Department of Health(DOH) at Department of Science and Technology(DOST), nakitaan ng kontaminasyon ng mercury ang lawa sa barangay at maging ang gulay na kangkong ay makikitaan na din ng kontaminasyon  na maaring makaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan.

 

Ayon kay Dr. Dean Palanca ng City Health, sa isinagawang pagpasuri ng DOH sa 90 katao ang nagpasuri, 70 rito ay nagpositibo at nakitaan ng presensya ng mercury sa dugo. Ang mercury ay nakalalasong kemikal na madalas ginagamit sa aspetong medikal partikular sa thermometer at maaaring magkaroon ng long-term effect sa katawan.

 

Matapos ang konsultasyon isinaalang-alang ni Mayor Marcaida ang pagbabakod sa lawa at pagbawal na kumuha ng anumang bagay rito at paghuli ng isda para maiwasan ang pagkalat ng kontaminasyon ng mercury bilang pag-iingat at pangunahing solusyon.

 

Nilinaw din ni Punong Lungsod Marcaida ang isyung di umano’y pagpapalipat sa mga residenteng naninirahan malapit sa kontaminadong lawa. Hindi hahayaan ng alkalde na mangyari ang bagay na ito kaya’t isinagawa ang public consultation upang linawin ito at mahanapan ng solusyon sa pagtutulungan ng pamahalaang lungsod at komunidad ng Sta. Lourdez. Tanging pakiusap ng gobyerno sa ngayon ay sundin ang mga pag-iingat  para rin sa kapakanan ng bawat isa. Hindi rin aniya magpaplano at gagawa ng hakbang ang lungsod na ikasasama ng karamihan. Ano mang balakin at plano ng administrasyon ay ikukunsulta sa mga residente para sa ikabubuti ng lahat lalong lalo na sa kalusugan ng mga ito.

 

“Basta ho ang ilalagay nyo lang sa isipan ninyo nandito kami dahil concern kami sa inyo”, ito ang tinuran ni Punong Lungsod Marcaida matapos magpasalamat sa mamamayanan ng Sta. Lourdez na dumalo sa nasabing dayalogo sa pangunguna ni Kapitan Edgar Esoy.

 

Article Type: 
Categories: 

Navigation Menu