Printer-friendly version

Puerto Princesa City, Aug. 27 CIO – Sa pamamagitan ng inisyatibo ni Mayor Lucilo R. Bayron , at pagsisikap ng City Agriculture Office sa pamumuno ni Ms. Melissa U. Macasaet, ay naipagkaloob sa Lungsod ng Puerto Princesa ang dalawang mahahalagang Farm-to-Market Road Projects mula sa Department of Agriculture sa ilalim ng Philippine Rural Development Program (PRDP) at pinondohan ng World Bank na may kabuoang halagang P106.9M. Ang dalawang mga FMR projects ay ang Bukang-Liwayway to Sitio Makandring  na may habang  8 kms. sa Barangay Langogan, na nagkakahalaga ng P77.8M ; at  nasa Barangay Simpokan na may habang 3 kms at nagkakahalaga ng P29.1M. Nabanggit  ni Mayor Bayron sa kanyang mensahe kanina sa programa sa Sitio Makandring sa site visit ng mga kinatawan ng World Bank at ng Dept. of Agriculture na aprubado ang pinakamalaking FMR project sa buong MIMAROPA na nagkakahalaga ito ng P299M para sa FMR na mag-uugnay sa Barangay Maruyugon patungong Barangay Buenavista. Nagsalita din sa programa ang WB PRDP Task Team Leader na si SAMIK SANDAR DAS, at kanyang ipinaliwanag ang kahalagahan ng mga proyektong ito sa buhay ng mga mamamayan.

Ang Department of Agriculture-Philippine Rural Development Program (DA-PRDP) ay isang World Bank Assisted Project ng Pamahalang Nasyonal sa 16 na rehiyon sa bansa. Ang proyekto ay nagsimula noong 2004 hanggang 2020. Ito ay may apat na bahagi at may nakalaang pondo na P29.65B. Ang apat na bahagi ng programa ay ang mga sumusunod:
1. I-PLAN - Investments in AFMP planning, Local and National Levels
2. I-REAP - Investment in Rural Enterprises and Agri and Fisheries Activity
3. I-BUILD - Intensified Building Up Infrastructure and Logistics for Development
4. I-SUPPORT-Implementation support to PRDP.

Maituturing na malaking tagumpay para sa lungsod partikular sa Barangay Langogan at Barangay Simpokan ang mga proyektong ito sapagkat sa 10 porsiyentong kabahagi lamang ng Pamahalaang Lungsod sa halaga ng boung proyekto, ay nakamit natin ang biyayang di-matutularan.

Labis-labis naman ang kagalakan at pasasalamat ng mga mamamayan ng Barangay Langogan sa pangunguna ni PB Camilo Bebit, mga purok leaders sa pagdating ng proyektong ito. Kinilala din ni Mayor Bayron ang kagitingan ng mga 33 pamilyang nag-donate ng kanilang lupain para sa kalsadang ito. Habang kinilala din ng Department of Aagriculture ang pagiging Action Man ni Mayor Bayron, na kung hindi sa kanyang inisyatibo at pamumuno ay hindi matutupad ang lahat ng ito.

 

Article Type: 
Categories: