Printer-friendly version

Puerto Princesa, May 15 CIO - Hinikayat ngayon ni Mayor Lucilo R. Bayron ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod na haraping muli ng buong sigla ang serbisyong ipinagkakaloob sa mga mamamayan pagkatapos ng bahagyang pagkagambala bunsod ng nagdaang recall election.

 

Sa flag-raising ceremony ay ipinahayag ni Mayor Bayron ang taus-pusong pasasalamat sa lahat ng mga mamamayan ng siyudad sa kanilang ipinakitang partisipasyon sa halalan, bumoto man sa kanya o hindi, ay pinatunayan ng bawat isa na sa kabila nang halos umabot sa girian ang namamayaning tensiyon ay nangibabaw ang pagpapakumbaba at pagpapakahinahon upang maisagawa  ang maayos  at mapayapang ekesiyon na mayroong kredibilidad.

 

Sinabi ng alkalde na ang bagong mandatong ipinagkaloob sa kanya ng taongbayan sa ginanap na recall election ay isa lamang pagpapatibay sa unang mandato na ipinagkatiwala sa kanya noong 2013 election.

 

Nauna rito, inihayag ng Punong Lungsod sa panayam ng mga lokal na mamamahayag  kasunod ng proklamasyon sa kanya ng city board of canvassers na  siya ay bukas sa kanyang mga katunggali sa nakalipas  na halalan para sa pagkakaisa  tungo sa kapakanan ng mga mamamayan ng Puerto Princesa.

 

Partikular na pinasalamatan ni Mayor Bayron ang mga senior citizens, ang bumubuo ng kanyang advisory council mula sa iba’t ibang sektor at ang samahan ng mga apuradong  punong barangay  sa kanilang hindi mapapasubaliang pagsuporta sa kinaharap na laban.

 

                                                            

Article Type: 
Categories: