Printer-friendly version

Puerto Princesa, March 14 CIO - Nilagdaan nina Mayor Lucilo R. Bayron at Dr. Melecio N. Dy nitong Pebrero 29, 2016 ang kontrata sa pagitan ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa  at Ospital ng Palawan na nagsasaad ng kasunduan hinggil sa programang pangkalusugan para sa mga  mahihirap na mamamayan ng lungsod na walang kakayanang magbayad kapag nagkasakit at naospital.

 Ang programang ito ay nasa ilalim ng National Health Insurance Program o Phihealth na pinaglaanan ng 2M (dalawang milyong piso) mula sa lokal na administrasyon para sa buwanang hulog ng nakatalang 1,212 mahihirap na taga Puerto Princesa.  Ang halagang ito ay nasasaad sa Sangguniang Panlungsod Resolusyon Bilang 1445-2016 na nagbibigay kapangyarihan sa alkaldeng makipagkasundo at lumagda sa kontrata sa Ospital ng Palawan.

 Tinagurian ang pangkalusugang sistema na Point of Care program ng Ospital ng Palawan. Sa pamamagitan nito, aalamin muna ng social worker ang katayuan ng pasyente  bago siya maitala sa mga kwalipikadong benepisyaryo  ayon sa patakaran at pamamaraan ng Philhealth. 

Ayon kay Dr. Eduardo C. Janario, DOH MIMAROPA Regional Director, malaki ang maitutulong ng programa para sa maayos na kapakanan ng mga taga Puerto Princesa.  Malaki ang magagawa nito dahil hindi na maa-aksaya ang oras sa paghahanap ng pang-gastos  bago mapagtuunan ang pasyenteng nangangailangan ng madaliang pag-gamot. Maiiwasan na rin ang palagiang pahingi ng pera sa mga politiko at hindi na rin magkakautang sa ospitalang mga pasyenteng walang kakayahang magbayad.

 Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Bayron sa mga suportang handog ng Kagawaran ng Kalusugan, ng Ospital ng Palawan at ng iba pang ahensiyang nagbigay daan upang maisakatuparan ang pangangalaga sa kalusugan ng mga Puerto Princesans. 

 

Article Type: 
Categories: