Printer-friendly version

Umabot na sa 46 na mga out-of-school-youth sa mga nakaraang taon ang nabiyayaan mula sa scholarship grant ng Alay Lakad Foundation-Puerto Princesa Chapter. Ngayong taon mayroong sampung (10) kabataan na naman ang nabigyan nito at kasalukuyang nag-aaral sa San Miguel National High School, Palawan National High School, Luzviminda National High School, Palawan State University, Western Philippines University at Palawan Technological College Inc.

Pangunahing layunin ng Alay Lakad Foundation (ALFI) ang pagbibigay edukasyon sa mga kabataan na dahil sa kakapusan sa pananalapi ay hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral. Humigit kumulang sa P85,000.00 ang pondo na inilaan nito sa programang pang-edukasyon ng mga karapat-dapat na mga OSY para makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral.

Samantala, umabot naman sa P3,500 ang inilaan para sa modular books na ginagamit ngayon ng tatlumpong miyembro ng Pag-asa Youth Association na naka-enroll sa Alternative Learning ng DEPED.

Bukod pa rito, nagsagawa rin ng Leadership Youth Development Program, Health Protection, Values Formation & Planning Workshop sa 260 na mga OSY na nagkakahalaga ng P8,170.72.

Ilan lamang ito sa mga programa na ipinatutupad ng Alay Lakad Foundation kung saan ang kanilang pondo na ginagamit ay mula sa mga nalikom sa taunang Alay Lakad.

Kaya’t hinihikayat ni Rev. Nida Macasaet, ang kasalukuyang presidente ng Alay-Lakad Foundation-Puerto Princesa Chapter ang suporta ng mga mamamayan upang mas marami pang matulungan na mga kabataan ng lungsod at lalawigan.

 

Article Type: 
Categories: