Printer-friendly version

Puerto Princesa, July 05 CIO - Malawakang kampanya laban sa illegal parking sa kahabaan ng Rizal Avenue hangang Canigaran,  kahabaan ng Malvar St., Junction 1 hangang Junction 2, ay mahigpit ng ipatutupad ng kapulisan ng lungsod at City Traffic Management Office sa pangunguna ni Col. David Martinez.

Ito ay bunsod ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan na nararanasan ng mga motorista sa lungsod. Isa sa mga nagiging problema ay ang illegal parking ng mga pampubliko at pribadong sasakyan na nakakadagdag sa pagsisikip ng kalsada. Maliban pa ang pagkakaroon ng mga parking na hindi pinahihintulutan ng batas. Nawawalan ng parking area ang mga kliyente o mamimili ng mga establishemento sa pag-uukupa ng mga tricycle o public utility vehicles sa parking area ng mga business establishment.

Ipinagbabawal din ang pag-gamit ng sidewalk at parking area upang doon magtinda tulad ng mga mani vendors, ballot vendors, barbeque vendors, paayusan ng mga relo, pagawaan ng susi at iba pa. Ang paglalagay ng mga ekstrang estruktura sa mga parking area at sidewalk na inuukupahan ng mga vendors ay mahigpit na ipinagbabawal dahilan inilaan ito upang daanan ng publiko. Napipilitang maglakad sa gutter ng kalsada at nakikipag-patintero sa mga sasakyan na lubhang delikado.

Mahigpit ring ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga estruktura lumalabag sa Building Code of the Philippines at Zoning Ordinance ng Pamahalaang Panlunsod sa mga nabanggit na lugar. Ipagbabawal na rin ang mga karatula, billboards, streamers at signages na nakahahadlang sa paningin ng mga motorist na posibleng pang-galingan ng disgrasya.

Kasama ang City Engineering Department, City Traffic Management Office, Philippine National Police, TODA Federation at City Mayor’s Office sa pagpapatupad ng nasabing kautusan upang maibsan ang traffic sa lungsod.

Nais ding maibsan ang trapiko sa paligid ng Old Market sa pamamagitan ng paglalagay ng terminal kung saan ay magkakaroon ng pick-up point at drop-point ng mga pasahero. Tanging dispatser na lamang ang siyang tatao roon upang magbigay alam sa tricycle na siyang pi-pick-up ng mga pasahero.

Samantala, ang City Information Office sa pangunguna ni CIO Richard Ligad ang siyang mangunguna sa pagsasagawa ng information drive hingil sa pagpapatupad ng nasabing programa ng pamahalaan.

 

Article Type: 
Categories: