Printer-friendly version

Nakatakdang tumulak sa Kamaynilaan ang apat (4) na detenido mula sa Puerto Princesa City Jail upang kumuha ng board exam at maging ganap na “registered master electrician.”

Sina Dionilo Caliao, Rodel Valentin, Joel Rayla at Dyn Monteverde ay nakatakdang sumailalim sa naturang pagsusulit sa ika-14 ng Setyembre taong kasalukuyan upang maging lisensyadong “master electrician.” Ang mga ito ay nagtapos ng 2 taong kursong master electrician mula sa educational program na ipinatutupad ng Puerto Princesa City Jail sa pamumuno ni Chief Inspector Ronaldo M. Senoc.

Simula ng manungkulan bilang City Jail Warden si Chief Inspector Senoc taong 2002 ay sinimulan na nito ang educational program para sa mga detenido. Humigit kumulang na sa dalawang daang mga detenido ng City Jail ang nagtapos ng mga vocational courses mula sa programa katulad ng 2 yr. Master electrician, 2 yr. Electronics technology, building/wiring installation, carpentry, masonry at plumbing.

Layunin ng programang ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga detenido na maging kapaki-pakinabang ang mga araw na inilalagi nito sa kulungan higit sa lahat ang mabigyan ang mga ito ng kaalaman na maaari nitong magamit bilang pagkukunan ng kabuhayan sa oras na lumaya na ang mga ito.

Ang programang ito para sa mga detenido dito sa lungsod ay kauna-unahan sa buong bansa. Ito ay ipinatutupad ng pamunuan ng Puerto Princesa City Jail sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Edward S. Hagedorn, Puerto Princesa School of Arts & Trade (PPSAT) at TESDA-Palawan.

 

Article Type: 
Categories: