Printer-friendly version

Positibo sa paralytic shellfish poison o red tide ang baybayin ng Puerto Princesa batay sa inilabas na Shellfish Advisory no. 23 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kahapon Hulyo 3.  Umabot sa 80 µgSTXeq/100g ng shellfish meat ang toxic level na nakolekta sa baybayin ng Puerto Princesa kung saan ang regulatory limit lamang nito ay 60 µgSTXeq/100g ng shellfish meat.

 

Para sa kaligtasan ng publiko ay ipinagbabawal ang paghuli, pagbenta, pagbili at pagkain ng lahat ng uri ng shellfish tulad ng alamang at shells tulad ng sikad-sikad, bakalan, bagasay, kibao at lahat ng uri ng shells, alimasag at iba pa na nakukuha sa nasabing baybayin.

  

Samantala ligtas at maaring kumain ng mga isdang nahuhuli sa baybayin ng Puerto Prinsesa siguruhin lamang na sariwa at nahugasang mabuti ang hasang nito. Makabubuting alisin ang bituka ng isda bago lutuin upang masiguro ang kaligtasan ng kakain nito.

 

Pinapayo ni City Health Officer Dr. Ric Panganiban na sakaling nakakain ng mga shell mula sa Puerto Princesa Bay at nakaramdam ng mga sintomas na nalason tulad ng pagsusuka, pagkahilo, pananakit ng ulo, mabilis na pulso at hirap sa pananalita, paglunok at paghinga, pangangalay ng braso at binti tatlumpong minuto matapos kumain ng shells at alamang ay dalhin kaagad sa pinakamalapit na ospital ang biktima.  Ang paralytic shellfish poisoning ay nakamamatay.

 

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagbabantay ng BFAR at Lokal na Pamahalaan sa baybayin ng Puerto Princesa kung saan 21 barangay ang sakop nito mula Barangay Bancao-Bancao hanggang Barangay Mangingisda.

 

 

 

Article Type: 
Categories: 

Navigation Menu