Printer-friendly version

“Maganda at mapagpalang umaga! Pasasalamat sa lahat ng dumalo at nakiisa”  ang naging pagbati ni Mayor Lucilo R. Bayron sa mga mamayan ng lungsod sa naging matagumpay na kauna-unahan at  makasaysayang Balayong tree planting festival na ginanap noong Sabado, Hulyo 29,2017 sa Ramon V. Mitra Sports Complex. Dinaluhan ito ng iba’t ibang pribado at pampublikong organisasyon, sektor at piling paaralan dito sa Lungsod ng Puerto Princesa.

 

Sa mensahe ni Punong Lungsod Lucilo R. Bayron, kanyang pinasalamatan at binati ang mga indibidwal, grupo, sektor ng kalakalan at mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod  na nakiisa sa makasaysayang pagtatanim “Presensiya niyo pa lang dito ay ipinakita niyo na kaisa kayo... you are a part of history dito sa Lungsod ng Puerto Princesa, maraming maraming salamat”.

 

Ipinaliwanang ng alkalde ang dahilan ng pagsasagawa ng balayong tree planting sa lungsod. Anya kulang na kulang ang parke sa ating lungsod “kailangan natin ng isang open space na parke, para magkaroon ng isang magandang pasyalan na dadayuhin ng mga turista” ani ni Bayron. Dagdag pa ni Mayor Bayron “Kung magtatayo tayo ng isang tree park dapat lang na ang ilagay nating puno dyan ay sariling atin.  Ang balayong o Palawan Cherry ay kinikilala natin na sariling atin”.  Sa huli, punong puno ng pasasalamat ang binitawan ni Mayron Bayron sa kanyang mensahe.

 

Nagbigay naman ng saya’t aliw ang mga bisita mula sa Kamaynilaan na sina Zab Matias isang Tv and Print Model, Andrei Yllana Abs-Cbn artist, Mara Alberto GMA 7 Artist, Kid Yambao ng Hashtag of Showtime at Dave Bornea ng Startruck Batch 6. Nagtanghal din ang mga lokal na banda at mang-aawit, ang Woopis band at ang duo na High Hello na umani ng hiyawan at tilian mula sa mga manonood lalo na sa mga kabataang nakilahok sa Balayong tree planting festival.

 

Sumobra sa planong isang libo at dalawang daang binhi ang aktuwal na itinanim na umabot sa isang libo at tatlong daan siyamnapu’t isa puno ng balayong ang kabuuang naitanim (1,391)at tinatayang umaabot sa limang libong (5,000) ang nakiisa sa Balayong Tree planting.

 

Ang balayong tree park ay nakapaloob sa Puerto Princesa City Balayong Park project  sa  73,461 metro kuadradong Government Center and Nature’s Park ng lungsod. Maliban sa balayong park mayroong mga iminungkahing imprastraktura at pasilidad na itatayo dito tulad ng Water Park, auditorium o convention center, DNA tower, restaurant na may view deck, cultural museum at library, children’s park, 6-storey government building, City Health Medical Complex, outdoor amphitheater, mga mini park, information and management building na mayroong klinika, picnic ground na mayroong mga upuan at mesa, mga pampublikong palikuran at iba pa. Ang mga pasilidad na itatayo ay eco-friendly at isinasaalang-alang ang biodiversity o balanse ng lugar.

 

Liban sa pagiging pasyalan ay magbibigay rin ito ng hanapbuhay sa small market enterprises (SME) o maliliit na pamilihan na mamumuhunan sa iba’t ibang establisyimentong itatayo sa nasabing parke.

 

Sa kabila ng mga iminungkahing imprastraktura ay pananatilihin ang kagandahan at katahimikan ng parke sa pamamagitan ng pagpapatibay ng seguridad sa tulong ng mga guardiya at mga security camera sa paligid nito.  

 

 

 

Article Type: 
Categories: 

Navigation Menu