Printer-friendly version

Puerto Princesa, September 8 CIO - Malugod na tinanggap ni Mayor Lucilo R. Bayron mula kay City DILG Director Rey S. Maranan ang replica ng tsekeng may halagang P3M noong Setyembre a-7 taong kasalukuyan. Iginawad ito ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalang Lokal o DILG bilang pagkilala sa katangi-tanging  pag-gamit at pagpapatakbo ng aspetong pang-pinansiyal ng Puerto Princesa o Good Financial Housekeeping.

 

Ang P3M ay mula sa Performance Challenge Fund ng DILG.  Isa itong insentibo para sa pagpopondo ng mga lokal na proyektong pangkaunlaran na nakasama sa 2015 Annual Investment Plan na may layuning maabot ang Millenium Development Goals. Nakasaad sa kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at DILG  na dapat makakatulong ang mga proyekto sa pagpapalago ng turismo, ekonomiya at sa nilalayon ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, kasama rin ang Ecological Solid Waste Management Act ng 2000.

 

Inilaan ng pamunuan ni Mayor Bayron ang  3 milyon sa pagpapatayo ng 2 silid aralan ng Bgy. Macarascas National High School. Kabilang sa pagtatayo ng gusali ang pagbibigay ng kompletong mga mesa at silyang magagamit ng mga guro at mag-aaral.

 

Sa liham ng DILG Regional Director James F. Fadrilan kay Mayor Bayron,  kanyang pinuri ang dalawang taong palagiang pagkakasali ng Puerto Princesa sa pagtatasa sa Good Financial Housekeeping. Hinikayat rin ni Director Fadrilan ang mga opisyales ng lungsod na ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng kakayanan patungo sa katangi-tanging pamunuan. Sa pamamagitan nito ay maibigay ang epektibong serbisyo sa mga mamamayan at pagsasakatuparan ng mga pangunahing layunin ng pamahalaan, dagdag pa ng alkalde.(amy)

Article Type: 
Categories: