













































































CIOBalita || MAKABULUHANG PAGDIRIWANG NG BUWAN NG KABABAIHAN, IDINAOS SA LUNGSOD
Maya Estandian, CIO Balita
Marso 9, 2026
Makabuluhan at puno ng mga aktibidad na nagbibigay-pugay sa kakayahan at kontribusyon ng kababaihan ang pagdiriwang ng National Women’s Month sa lungsod sa ilalim ng temang “We for Gender Equality and Inclusive Society: Lead Like the Babaylans, Filipinas.”
Sinimulan ang selebrasyon sa isang banal na misa sa Immaculate Conception Cathedral ganap na alas-sais ng umaga nitong Marso 8, 2026. Sinundan ito ng makulay na parada patungo sa Edward S. Hagedorn Coliseum kung saan nagtipun-tipon ang iba’t ibang women’s group at sektor upang ipakita ang kanilang suporta sa adbokasiya ng gender equality.
Nakiisa sa pagdiriwang ang mga kapitana at opisyal ng mga barangay, mga empleyado ng pamahalaang panlungsod, mga miyembro ng Wife Empowering Family and Environment (WIFE) Organization mula sa iba’t ibang barangay, women in uniform, miyembro ng Girl Scouts of the Philippines, at iba pang organisasyon ng kababaihan sa lungsod.
Lalong naging makabuluhan ang selebrasyon sa pamamagitan ng mga serbisyong inilaan para sa kababaihan tulad ng libreng haircut, manicure at pedicure, health services, at legal consultations mula sa Integrated Bar of the Philippines–Palawan Chapter. Nagbigay saya rin sa mga dumalo ang mga palaro at community activities na naglalayong palakasin ang samahan at pakikilahok ng kababaihan sa komunidad.
Bahagi rin ng selebrasyon ang Search for Lola Juana 2026 at Mrs. Juana 2026, isang patimpalak na nagbibigay-pugay sa kagandahan, talino, kakayahan, at inspirasyong hatid ng kababaihan sa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay.
Sa inspirational message ni City Information Officer Atty. Glaiza Vicente-Moncatar, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkilala ng kababaihan sa kanilang sariling layunin at halaga.
Aniya, “Ang bawat babae ay may layunin. Ang malinaw na purpose ay nagsisimula sa pagkilala sa sariling halaga. Ang ating kakayahan, malasakit, katatagan at karunungan ay mga kaloob na dapat gamitin upang makapag-ambag sa ating komunidad.”
Samantala, ipinahayag naman ni Mayor Lucilo Bayron ang patuloy na suporta ng pamahalaang panlungsod sa mga programang naglalayong palakasin ang papel ng kababaihan sa lipunan.
“Kayo, mga kababaihan, ang inspirasyon sa bawat hakbang ng ating lungsod tungo sa mas magandang kinabukasan. Bilang Ama ng Lungsod, nananatili akong committed sa paglikha ng mga oportunidad kung saan ang bawat babae ay maaaring magtagumpay at ang kanilang mga boses ay pinakikinggan at pinahahalagahan,” pahayag ng alkalde.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad at serbisyong ito, muling pinagtibay ng pamahalaang lungsod ang layunin nitong kilalanin, suportahan, at palakasin ang papel ng kababaihan sa paghubog ng isang inklusibo at pantay na lipunan.
#GenderEquality #WomenEmpowerment #PuertoPrincesaCity
