WELCOME TRIBONG BADJAO

Mainit na tinanggap ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang Tribong Badjao matapos nilang magtanghal ng kanilang makulay na katutubong sayaw sa isinagawang flag-raising ceremony sa New Green City Hall Grounds ngayong umaga, Pebrero 16, 2026.

Matapos ang pagtatanghal, personal silang inimbitahan ng alkalde sa kanyang opisina kung saan nagkaroon ng salu-salo at almusal bilang simbolo ng pagkilala at pasasalamat sa kanilang ambag sa pagpapayaman ng kultura ng lungsod.

Ayon kay Mayor Bayron, patuloy na tinutulungan ng Pamahalaang Panlungsod ang mga miyembro ng Tribong Badjao sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagkakakitaan sa ilalim ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), habang isinasama rin sa mga programang pangturismo ng lungsod ang kanilang cultural dance upang mapanatili at maipagmalaki ang kanilang kultura habang nagkakaroon sila ng dagdag na kabuhayan. Halimbawa nito ay ang pagtatanghal ng Badjao Dance Group sa Princess Eulalia Park tuwing may darating na cruise ship.

Binigyang-diin ng alkalde na mahalagang mapangalagaan at mabigyan ng oportunidad ang mga katutubong komunidad para sa inklusibong pag-unlad ng Puerto Princesa.

Mabuhay ang Tribong Badjao!

Similar Posts