
Naipahatid na ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang pinansyal na ayuda para sa mga negosyanteng apektado ng sunog sa Old Public Market bilang tugon sa agarang direktiba ni Mayor Lucilo R. Bayron na huwag nang patagalin pa ang tulong para sa mga nasalanta.
Ayon kay Mayor Bayron, mahalagang maibigay kaagad ang ayuda upang makapagsimula na sa pagbangon ang mga nasunugang negosyante at muling maitaguyod ang kanilang kabuhayan. Bunsod nito, agad na ipinamahagi ang halagang ₱10,000 para sa mga tindahang totally damaged at ₱5,000 naman para sa mga partially damaged.
Sa kabuuan, umaabot sa 131 na negosyante ang naapektuhan sa Old Public Market habang nakatanggap din ng ₱10,000 ang 4 na may-ari ng sasakyang nasunog.
Dagdag pa ni Mayor Bayron, ang agarang pamamahagi ng pinansyal na ayuda ay layong makatulong kahit sa paunang hakbang ng pagbangon ng mga apektadong negosyante.
