PAGPUPUGAY SA MGA TANGLAW NG PUERTO PRINCESA SA IKA-154 NA ANIBERSAYO NG LUNGSOD

Nagbigay ng taos-pusong pagkilala si Mayor Lucilo R. Bayron sa mga indibidwal at organisasyong may natatanging ambag sa pag-unlad ng lungsod sa ginanap na 2026 Mayor’s Awards sa Costa Palawan Resort nitong March 3, kaugnay ng pagdiriwang ng ika-154 na Founding Anniversary ng Puerto Princesa.

Sa isang hapon ng pasasalamat, kinilala ang 47 awardees mula sa 23 kategorya na kumakatawan sa iba’t ibang sektor ng komunidad. Ayon kay Mayor Bayron, ang Mayor’s Awards ay isang pagkakataon upang parangalan ang mga taong patuloy na nag-aambag sa paghubog ng mas maunlad at matatag na Puerto Princesa.

“Hindi lamang natin ipinagdiriwang ang anibersaryo ng ating lungsod, kundi ipinagdiriwang natin ang mga tao, ang tunay na lakas ng Puerto Princesa,” pahayag ng alkalde.

Aniya, bawat parangal ay may kaakibat na kwento ng sakripisyo at pagtitiyaga. Sa likod ng bawat pagkilala ay mga hamon na nalampasan at mga pusong naglingkod nang higit sa pansariling interes. Ang tagumpay, ayon sa kanya, ay makikita sa mga buhay na nababago at sa inspirasyong naipapasa sa iba.

Binigyang-diin din ng alkalde na ang progreso ng lungsod ay bunga ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at mamamayan na handang magsilbi para sa ikabubuti ng komunidad.

“Walang pangarap na masyadong malaki para sa Puerto Princesa. Walang hamon na hindi natin kayang lampasan. Together, let us build not just a progressive city but a city with a soul and with a direction. Isang lungsod na balang araw ay ipagmamalaki ng susunod na henerasyon,” ani Mayor Bayron.

Sa kanyang mensahe sa mga awardees, sinabi niya:

“To our awardees — you are not just recipients of recognition today. You are torchbearers of inspiration for tomorrow. May your light continue to shine and guide others.”

Sa ika-154 na taon ng Puerto Princesa, muling ipinakita na ang lakas ng lungsod ay nakasalalay sa mga mamamayang patuloy na naglilingkod nang may prinsipyo, integridad, at malasakit.

Mabuhay ang ating mga awardees, Mabuhay ang mga tanglaw ng Puerto Princesa!

Similar Posts