PAGPAPABILIS SA PAGKUHA NG BUSINESS PERMITS PARA SA MALILIIT NA NEGOSYANTE, IPINAG-UTOS NI MAYOR LUCILO R. BAYRON

Ipinag-utos ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang mas pagpapabilis at pagpapadali ng proseso ng pagkuha ng Business Permits, lalo na para sa mga maliliit na negosyante sa lungsod.

Sa isinagawang pagpupulong ng Business One Stop Shop (BOSS) ngayong araw, Enero 8, 2026, tinalakay ang mga hakbang upang matulungan ang mga maliliit na negosyo tulad ng mga sari-sari store at karinderia.

Ayon kay Mayor Bayron, nais niyang matulungan na mapabilis ang pagkuha ng permit ng mga negosyanteng handang magparehistro upang maging legal ang kanilang operasyon malaki man ito o maliit.

“Para na rin natin silang sinasabihang huwag na lang magtinda. Kaya nga sila kumukuha ng permit dahil gusto nilang maging matino at legal. Dapat intindihin natin sila,” pahayag ng alkalde.

Sa gitna ng pagpupulong, tinalakay ang papel ng mga ahensiyang bumubuo sa BOSS na direktang kasama sa pagproseso at beripikasyon ng mga aplikasyon. Kabilang dito ang City Treasurer’s Office, Business Permits and Licensing Office, Office of the Building Official, City Administrator’s Office, Internal Audit Services, Management Information Systems, at City Mayor’s Office. Layunin ng koordinasyong ito na mas mapabilis ang proseso at maiwasan ang paulit-ulit na pagbalik ng mga aplikante.

Bilang tugon sa direktiba ng alkalde, napagkasunduan na sa verification pa lamang ay kasama na agad ang Office of the Building Official upang matukoy kung ang negosyo ay kabilang sa positive o negative list.

Layunin ni Mayor Bayron na matulungan ang mga negosyante na makapag-operate nang legal nang hindi isinasakripisyo ang kaayusan at regulasyon ng lungsod. Kaya naman pinag-aaralan ang iba’t ibang paraan upang mas mapabilis ang sistema ng pag-iisyu ng permits.

Sa ilalim ng panukalang hakbang, ang mga micro at maliliit na negosyo ay maaaring dumiretso na sa unang hakbang ng aplikasyon matapos ang verification, upang hindi na mahirapan ang mga ito sa proseso.

Iginiit ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ay dapat magsilbing katuwang, hindi hadlang, ng maliliit na negosyante sa kanilang paghahanapbuhay.

Similar Posts