PAGMAMAHAL SA PAMILYA AT KALIKASAN, IPINAGDIWANG SA 22ND LOVE AFFAIR WITH NATURE

Buong puso at galak na pinangunahan ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang pag-iisang dibdib ng 42 magkapareha at ang sabayang pagtatanim ng mga punla bilang bahagi ng ika-22 Love Affair with Nature ngayong Araw ng mga Puso, Pebrero 14, 2026.

Sa isinagawang Kasalang Bayan, mismong si Mayor Bayron ang nagkasal sa mga magkapareha at nagpaabot ng taos-pusong pagbati para sa kanilang bagong yugto bilang mag-asawa.

“Ang pag-iisang dibdib ay pangako na mamahalin at iingatan ang isa’t isa habambuhay. Tulad ng punong itinatanim, kailangan itong alagaan para tumibay,” mensahe ni Mayor Bayron.

Matapos ang seremonya ng kasal, agad namang sinundan ito ng sabayang pagtatanim ng mga punla bilang bahagi ng Love Affair with Nature. Ipinakita rito na ang pagdiriwang ay hindi lamang tungkol sa pagmamahalan ng dalawang tao kundi pati sa pagmamahal sa kalikasan.

“Ang mga punla na ating itinatanim ay pagtatanim ng pag-asa para sa susunod na henerasyon,” dagdag niya.

Pinatunayan ng programang ito na sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Bayron, ang Araw ng mga Puso sa Puerto Princesa ay higit pa sa tradisyonal na selebrasyon. Ito ay araw ng inspirasyon, pangako, at pag-ibig na may puso para sa pamilya, sa komunidad, at sa kalikasan.

Mabuhay ang mga bagong kasal. Mabuhay ang Inang Kalikasan.

Similar Posts